Nagulantang ang mga residente sa isang barangay sa General Santos City nang malaman nila na patay na sanggol pala ang nasa loob ng kagat-kagat na tela ng isang aso na nakuha nito sa isang bakanteng lote.

Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay San Isidro, nitong Martes ng umaga.

Kaagad na tinakpan ng mga residente ang patay na sanggol nang bitawan ng aso. May nagsindi rin ng kandila sa lugar ng sanggol.

Natukoy din ng mga residente ang lugar sa bakanteng lote kung saan pinaniniwalaang unang itinapon ang bangkay ng sanggol na hinihinalang ipinalaglag.

“Doon, nakita itong mga unprescribed pills na sinusubukan namin i-confirm kung para saan ito. Kung ‘yun ba ay after abortion or ‘yun ba ang ginamit para ma-abort ang bata, at ang makaka-testify niyan, ang mga attending physician natin,” ayon kay Police Major Ivan Charles Abastillas, Commander, PS1-GenSan Police Office.

Dinala ang bangkay ng sanggol sa isang punerarya habang patuloy na inaalam ng mga awtoridad kung sino ang kaniyang ina.

"Nag-coordinate din kami sa mga clinics and hospitals kung sakaling may nagpa-confine na babae na posibleng may indicators na bagong dating, dahil mag-bleeding pa man siya. Pag-abortion, kailangan pa siyang raspahan para malinis,” dagdag ni Abastillas.-- FRJ, GMA Integrated News