Isang lalaki na inireklamo ng panggagahasa ng kaniyang stepdaughter ang nagbarilin umano sa noo nang aarestuhin na ng mga awtoridad sa Cebu. Pero sakit ng ulo ang napala ng suspek dahil hindi tumagos sa kaniyang bungo ang bala at tuluyan din siyang naaresto.
Sa ulat ni Alan Domingo sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Lunes, sinabing isinagawa ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation - Central Visayas Regional Office (NBI- CEVRO), ang pagdakip sa 27-anyos na suspek sa Naga City sa Cebu.
Ginawa ang pag-aresto sa lalaki base sa reklamo ng kaniyang 16-anyos na stepdaughter na inaabuso umano ng suspek mula pa noong 14-anyos pa lang ang biktima.
Pero nang makalusot ang suspek sa mga awtoridad, pumunta ito sa kaniyang bahay at doon kumuha ng kalibre .22 na baril at ipinutok sa kaniyang noo.
Ngunit nagtamo lang ito ng sugat sa noon ang suspek dahil hindi tumagos sa kaniyang bungo ang bala at naiwan lang na tila nakatusok.
Dito na siya nadakip at dinala sa ospital para masuri ang tinamong sugat sa noo at maalis ang bala.
Ayon kay NBI National Director Jaime Santiago, inamin umano ng suspek ang ginawang krimen laban sa kaniyang anak-anakan, at ang tangkang pagpapakamatay.
"Umamin siya na he tried to commit suicide. Nagbaril sa sarili using caliber .22, I don't kung ano 'yun paltik. Mabuti hindi tumagos sa kaniyang bungo," ayon kay Santiago.
Idinagdag ng opisyal na bibigyan nila ng abogado ang suspek para sa gagawin nitong extra-judicial statement sa pag-amin sa kaniyang krimen sa dalagita.
Isinagawa ng mga awtoridad ang pagdakip laban sa suspek nang magsumbong sa kaniyang lolo ang 16-anyos na dalagita tungkol sa ginagawa ng ama-amahan mula noong 14-anyos pa lang siya at wala ang kaniyang ina.
Mahaharap sa kaukulang kaso ang suspek. -- FRJ, GMA Integrated News