Sapak at posibleng kaso ang naging kapalit ng ginawang pagpapasikat ng isang lalaki sa kaniyang ka-date sa isang zoo sa India. Ang lalaki kasi, umakyat sa bakod at nagbalak na bumaba sa kulungan na may white tiger.

Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, madidinig ang pagsigaw ng mga tao habang umaakyat sa bakod ang lalaki, na kinalaunan ay tumawid sa isang puno na nasa loob ng kulungan ng tigre sa Kamla Nehru Zoo sa Gujarat, India.

Nagpaplano pa raw ang lalaki na bumaba at mapapansin na tila naalarma ang puting tigre nang makita ang estranghero sa kaniyang teritoryo.

Pero dahil nandoon na ang mga tauhan ng zoo at binigyan siya ng babala, umakyat muli ng puno ang lalaki at lumabas na ng kulungan.

Nakaabang naman sa kaniya ang mga awtoridad na gigil sa galit dahil sa kaniyang ginawa. Ang ilan sa mga ito, hindi nakapagpigil at sinapak ang kanilang bisita sa zoo.

Ayon sa pamunuan ng zoo, kaagad nilang dinala sa pulisya ang lalaki na 26-anyos para masampahan ng kaukulang reklamo.

Ka-date umano ang lalaki sa zoo ang kaniyang nobya at gusto nitong magpa-impress sa pamamagitan ng kaniyang ginawa.

"This kind of behavior not only puts the individual at risk but also disturbs the animals and other visitors," ayon sa pamunuan ng zoo.

Noong 2014, isang lalaki ang nahulog sa kulungan ng white tiger sa Delhi at namatay matapos siyang lapain ng hayop.

Nawalan daw ng balanse ang biktima kaya nahulog sa kulungan ng tigre, at sinunggaban kaagad siya ng hayop.

Ayon sa mga nakasaksi sa insidente. hindi kaagad natulungan ang lalaki dahil walang tranquilizer gun ang mga staff.-- FRJ, GMA Integrated News