Sa halip na sa Biyernes, sinimulan na ngayong araw ng isang barangay sa Mandaluyong City ang kanilang programa na "May Piso sa Mosquito." Kaya naman ang mga nanghuli ng mga lamok at kiti-kiti, nagpuntahan na sa barangay para makasingil.

Sa ulat ni Mark Makalalad sa Super Radyo dzBB nitong Miyerkules, sinabing binabayaran ng barangay Addition Hills ng P1 ang kada limang pirasong lamok o kita-kita na dinadala sa kanila-- buhay man o patay.

Ngayon taon, umabot na umano sa 44 ang kaso ng dengue sa kanilang lugar.

Samantala, sinabi ng ilang residente na naging mahirap ang paghuli ng mga lamok. Habang ang iba naman, nilinis ang mga lugar na may naiimbak na tubig gaya ng paso para makahuli ng mga kiti-kiti.

Ang isang residente, nagdala sa barangay hall ng 45 piraso ng kiti-kiti at binayaran siya ng P9.00.

 

 

Ang mga nakokolektang lamok at kiti-kiti, inilalagay sa isang glass cage.

Nauna nang sinabi ng barangay officials na hindi puwedeng sumali sa panghuhuli ng mga lamok at kiti-kiti ang mga menor de edad. 

Sa hiwalay na ulat ni Glen Juego sa Super Radyo dzBB nitong Miyerkules ng hapon, sinabi ni barangay chairman Carlito Cernal, na hanggang 3:48 pm, may 21 residente ang nagdala sa kanila ng mga buhay at patay na mga lamok at kiti-kiti.

Ang kabuuang bilang ng mga lamok at kiti-kiti na kanilang nakolekta, nasa mahigit 700 na.

Magpapatuloy umano ang kanilang programa hanggang sa maibaba ang kaso ng dengue sa kanilang barangay.

 

 

Sa 44 kaso ng dengue na naitala sa barangay ngayong taon,  dalawa sa kanila ang nasawi.--FRJ, GMA Integrated News