Bata o matanda, namamangha sa ginawa ng isang lalaki sa kaniyang kotse na napupuno ng mga laruan sa Mexico. Ang may-ari, inilahad na may kaugnayan sa kaniyang kamusmos at sa kaniyang pangarap kung bakit niya tinadtad ng mga laruan ang kaniyang sasakyan.

Sa GMA Integrated Newsfeed, mapanonood ang ilang footage ng kotse ni Juan Carlos Flores, na napupuno ng mga laruan mula sa loob hanggang sa labas.

Iba-iba ang mga karakter, hugis at kulay ng mga laruan na mano-mano at matiyagang idinidikit ni Flores sa sasakyan.

Para sa kaniya, ang pag-iipon ng mga laruan ang paraan niya ng pag-heal sa kaniyang inner child.

Kuwento ni Flores, bihira lang siyang magkaroon ng laruan noong bata pa siya dulot ng kahirapan.

"The thing of having many toys is because my mother never had money to buy us toys before. No, she didn't buy them or anything. I mean, maybe she bought one or two but she didn't have money to buy big toys," sabi niya.

Sa kaniyang pagtanda, dumanas din ng maraming pagsubok si Flores.

Sa kaniyang pagtatrabaho bilang isang construction worker sa Texas, USA, napa-deport siya pabalik sa Mexico at kinailangang muling mag-umpisa.

Habang dinaranas niya ang mga ito, nakatulong sa kaniya ang pagkakaroon ng mga laruan.

Sa pamamagitan nito, naramdaman niyang kahit paano, may natutupad siya sa kaniyang mga pangarap.

"Now that I'm older, I have all the toys like this, thank God. I'm adding more and more and my dream is to fill the car (with toys), God willing," sabi ni Flores.

Agaw-atensyon ang kotse ni Juan sa mga bata at mga matatanda.

Para kay Flores, ang pagkakaroon ng mga laruan ay sumisimbolo sa mga pangarap na patuloy niyang sinisikap matupad. -- FRJ, GMA Integrated News