Sa kaniyang aso napatakbo ang isang lalaki nang pasukin ng tatlong suspek ang kaniyang farm house sa Gujarat, India. Ang lalaki, hindi naman nagkamali sa kaniyang ginawa dahil ipinagtanggol siya ng kaniyang alaga.

Sa video mula sa Tankara Police Station na ipinakita sa GMA Integrated Newsfeed, napatakbo ang biktima na si Amit Theba sa lugar ng kaniyang bakuran kung saan nakatali ang kaniyang aso na si "Johnny," isang German Sheperd.

Napahinto na agad ang dalawang suspek nang makita ang aso, habang ang isa pang suspek, astang susugurin si Theba habang may dalawang pamalo.

Pero bago pa man makaatake ang suspek, napakawalan na ni Theda mula sa pagkakatali si Johnny, at dumiretso sa kinaroroonan ng mga nagsitakbuhang suspek.

Dito na nagkakuha ng tiyempo si Theba para mailabas ang iba pa niyang kasama sa bahay para magtungo sa pulisya at isumbong ang nangyari sa kanila.

Ayon sa pulisya, 2: 00 am nang pasukin ng mga suspek sa bakuran ni Theba, na isang farmer at supplier ng mga kabayo na ginagamit sa mga kasal at iba pang okasyon.

Hinihinala na personal na galit ang motibo ng mga suspek laban kay Theba. Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng mga ito.

Salamat kay Johnny at ligtas naman si Theba at ang kaniyang pamilya.

Hinangaan naman ng netizens si Johnny dahil sa katapangan nito dahil sa ginawang pagtatanggol sa kaniyang amo.-- FRJ, GMA Integrated News