Kinagiliwan ng netizens ang isang baboy na nahuli-cam ang ginawang "pignanakaw" nang tangayin nito ang bag ng isang turistang nasa beach sa San Vicente, Palawan.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Miyerkoles, mapanonood sa Tiktok video ang marahan na paglalakad ng baboy papunta sa ilang turista sa Coconut Beach.

Mistulang nagmasid pa ang baboy, hanggang sa makita niya ang mga gamit ng isang turista.

Kinagat ng baboy ang bag, iwinasiwas, saka itinakbo.

Agad namang hinabol ng anak ng turista na si Lia Powell ang baboy, at nabawi ang kaniyang bag at ilan pang gamit.

Gayunman, may malaki nang butas ang bag.

May halos 50,000 views na video sa Tiktok.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News