Nauwi sa disgrasya ang masayang outing ng mga magkakaanak sa Brooke's Point, Palawan nang sa kalagitnaan ng masaya nilang picture taking sa ilog, nalaglagan sila ng mga malalaking bato mula sa gilid ng bundok.Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” matapos maligo sa ilog na malapit sa Tamlang Dam ang ilang miyembro ng pamilya Racmanon, naisipan nilang puwesto sa batuhan sa gilid ng bundok para magpakuha ng larawan.Isang kaanak na kukuha ng larawan ang nakakita sa pagbagsak ng bato mula sa itaas ng bundok, at napasigaw para ialerto ang kaniyang mga kasama na nasa ibaba. Pero nagsunod-sunod na ang pagbagsak ng iba pang mas malalaking bato.Kaya ang mga biktima, napatalon na sa tubig kasama ang mga nagbagsakang mga bato. Ang ilan sa kanila, tinamaan ng bato na nagresulta para masugatan sila o mabalian ng buto.Kuwento ng ina ng pamilya na si Marilan Racmanon, nag-aya ang kanilang anak na mag-outing dahil bakasyon. Sa araw ng kanilang outing, bumuhos ang ulan bandang 1 p.m. bago sila pumunta sa ilog.Nang makarating sa ilog, naghanap sila ng magandang lugar na pupuwestuhan, at isa-isa nang lumusong sa tubig.Nagkumpulan sa batuhan sa gilid ng bundok ang padre de pamilyang si Abrael Racmanon at iba pang miyembro ng pamilya para mag-picture at mag-video.Gayunman, dito na nag-umpisang maglaglagan mula sa itaas ang mga bato na tinatayang nasa anim hanggang 12 pulgada ang haba at lapad.Agad niligtas ni Marilan ang bunso nilang anak, bago inalalayan ang mister. Naglulupasay naman sa sakit ang kanilang batang pamangkin.Pagkalipas ng 15 minuto, dumating ang mga rumespondeng awtoridad at isinugod sa ospital ang mga biktima.Sugatan ang apat sa miyembro ng kanilang pamilya, na sa kabutihang-palad ay pawang nakaligtas.Nagtamo ng tama sa balikat at balakang ang amang si Abrael, habang nagka-galos sa alak-alakan ang pinsan niyang si Christina. Nahilo, nanghina at nagsuka matapos mauntog ang pamangkin niyang si Mary Anne.Ang 12-anyos na anak ng mag-asawa na si Abrael, nagtamo ng mga sugat sa hita.Matapos ang insidente, pansamantalang isinara ng sangguniang barangay ang bahaging iyon ng dam sa publiko para sa kaligtasan ng mga tao."Sa laki ng bato na tumama sa amin, hindi ko talaga sukat akalain na mabuhay pa kami. Nagpapasalamat talaga ako sa Panginoon, walang nadale sa amin," emosyonal na pahayag ni Abrael.-- FRJ, GMA Integrated News