The struggle is real para sa isang mommy na nag-viral sa social media ang video nang tila mangamba siya nang hindi tumigil sa paggalaw ang sinampahan niyang "air walker."Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing ito ang unang pagsampa ni Mommy Marivic Obina sa air walker, na isang equipment na pang-ehersisyo.Makikitang chill pa sa umpisa si Mommy Marivic, at nagawa pa niyang ngumiti sa camera habang sinusubukan ito.Pero maya-maya lang, napapangiti na si Mommy Marivic nang mahirapan na siyang ikontrol ito para tumigil."Ayaw mag-i-stop!" sigaw ni Mommy Marivic . "I-stop mo, please."Ayon kay Mommy Marivic, gusto lamang niyang magpalipas-oras habang hinihintay ang apo."Sinubukan ko muna lahat ng mga pang-exercise roon. Doon sa air walker ako natuwa. Unang attempt ko roon, mahina lang. Sinubukan ko kung kaya ko," kuwento niya."Ngayon noong pangalawang attempt ko, 'yon na, nilakasan ko na 'yung pagsipa ng paa ko. Parang gusto ko na ngang i-split 'yung dalawa kong paa na magkahiwalay talaga," sabi pa niya.Kahit na tagumpay sa pagbaba, todo-ngatog naman ang kaniyang mga tuhod matapos ang biglaang workout."Pagbaba ko na nga roon, pag-stop nila, 'yung tuhod ko talagang nangangatog, promise. Pero nawala rin naman. Akala ko nga 'di na mahihinto dahil hindi ko na talaga kaya siyang ihinto 'pag 'di pa hininto ng asawa ko eh," sabi ni Mommy Marivic.Kaya naman si Mommy Marivic, naging literal na "the mom who can't be stopped"Ayon kay Marivic, uulit pa rin siya sa air walker ngayong mas pamilyar na ito sa kaniya."Uulit pa rin ako. Masaya naman, kaya lang talagang natakot na ako noong bandang huli, malakas talaga 'yung weight ng paa ko. Pero ngayon, alam ko na kung paano siya gamitin at paano, kung lalakasan ba o hindi," sabi niya.Agad na nag-trending ang video ni Mommy Marivic, at marami siyang natanggap na "concerned" umano na mga komento kaya tila biglang dumami ang kaniyang mga anak."Funny lang, ang dami ko nang anak. Ang dami nang tumatawag sa 'kin ng 'Mommy,' 'Nanay,' 'Tita,' 'Lola.' Mayroon pa ngang ganoon, may nagpapa-shout out pa. May nagtatanong na nga kung nakababa na nga raw ako," sabi niya. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News