"Caught in the cat" ang naging eksena sa isang piitan sa Pococi, Costa Rica nang mahuli ang isang pusa na may nakatagong ilegal na droga sa telang nakabalot sa kaniyang katawan.Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, makikita ang paghuli ng mga alistong tauhan ng piitan nang mapansin nila ang kakaibang nakabalot sa katawan ng pusa.Nang mahuli ang pusa, dinala nila ito sa kuwarto at ginupit ang tela sa kaniyang katawan. Doon na nakumpirma na mayroong nakatagong mga pakete ng marijuana, 70gramo ng cocaine paste, at dalawang papel na ginagamit na drug paraphernalia.Ayon sa awtoridad, sinanay umano ang pusa na magpuslit ng ilegal na droga sa loob ng kulungan.Ang nahuling pusa na tinawag nilang "Narcomishi," o "Narco Kitten," ibinigay naman sa pangangalaga ng National Animal Health Service (SENASA).Ayon sa awtoridad, kinumpiska ang mga nasabat na ilegal na droga at tiniyak naman na maaalagaan ang pusa sa SENASA.Ngunit hindi pala iyon ang unang pagkakataon na ginamit ang pusa para makapagpasok ng kontrabando sa loob ng kulungan.Noong 2018, isang pusa ang nahuli na tinangkang gamitin para makapagpasok ng earphone, charger, at cellphone na mayroong extra battery sa piitan.Sa kabila ng pahhihigpit ng mga awtoridad, patuloy umanong nagiging malikhain ang mga bilanggo at mga kasangga nito sa labas kung papaano makapagpapalusot ng kontrabando sa loob ng piitan.Gayunman, patuloy namang nagiging alisto ang mga bantay para mapigilan ang pagpasok ng mga kontrabando, gaya nang ipinakita sa video na may hinihinalang ilegal na droga na itinago sa suwelas ng sapatos.--FRJ GMA Integrated News