Kinailangang putulin ang kaliwang binti ng isang lola matapos siyang magdeliryo at mag-agaw buhay nang masugatan ng palikpik ng tilapia sa Aliaga, Nueva Ecija.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ipinakilala si Lucena Esmabe, 65-anyos, na namili ng tilapia noong Mayo 2.
Kuwento ni Lola Lucena, hawak-hawak na niya ang tilapia nang magwala ito sa kaniyang kamay. Nabitawan niya ito at tumusok ang matulis na palikpik ng tilapia nang malaglag sa kaniyang kaliwang binti.
Dahil dito, nagkasugat ang kaniyang kanang binti.
Ngunit hindi ito pinansin ni Lola Lucena at pinadugo pa nang kaunti ang kaniyang sugat. Ang nabili niya namang tilapia, inulam nilang pamilya.
Kinabukasan, nagsimula nang kumirot ang sugat ni Lola Lucena. Pagdating ng tanghali, namaga na ito at hindi na siya makatayo, ayon sa kaniyang anak na si Lermalin Victoria.
Dahil dito, agad na siyang isinugod sa ospital. Pagkarating, lumulubo ang kaniyang binti, at nagsimula na siyang magdeliryo at paiba-iba ng sinasabi.
Kinabukasan na naalala ni Lola Lucena na natusok siya ng paliktik ng tilapia sa kaniyang binti.
Dito na nalaman ng mga doktor na nagkaroon ng malubhang impeksyon si Lola Lucena na tinatawag na Vibrio vulnificus infection. Mula ito sa Vibrio vulnificus, isang uri ng bakterya na nakukuha sa tubig alat o hindi kaya sa hilaw o hindi maayos na nalutong pagkaing dagat.
“Nagkataon lang siguro na 'yung pinanggalingan ng source ng isdang tilapia ay galing sa isang lugar kung saan hindi masyadong malinis, polluted, mataas ang fecal content ng tubig, kaya medyo nag-proliferate, medyo mataas ang bacterial load ng source niya,” paliwanag ni Dr. Jasson Louie Arcinue, isang orthopedic surgeon.
Ikinabahala ng mga doktor na mabilis na kumalat ang impeksiyon sa kaniyang dugo kaya bumagsak ang kaniyang blood pressure. Dahil dito, nagka mild heart attack din si Lola Lucena, na posible niyang ikamatay, ayon kay Dr. Arcinue.
Matapos ang mabigat na rekomendasyon ng mga doktor na ipaputol na ang kaniyang binti, pumayag na si Lola Lucena sa kabila ng pagtanggi noong una.
Mayo 4 nang operahan si Lola Lucena, ngunit hindi naging normal ang kaniyang blood pressure.
Matapos ang operasyon, kinailangan pa siyang ipasok sa ICU o intensive care unit, dahil matindi na ang impeksiyon niya sa katawan at inatake na rin siya sa puso.
Sa kabutihang palad, naging stable kalaunan ang lagay ni Lola Lucena.
“Hindi ko po expected na sa tilapia po ay mawawala 'yung paa ko. Labis po akong nalungkot, naiyak. Dahil wala na po akong paa na puwedeng ilakad-lakad,” emosyonal na sabi ni Lola Lucena.
Dahil sa kaniyang kondisyon, nakapirmi na lang na nakahiga at hirap kumilos si Lola Lucena. Sa kabila nito, patuloy na lumalaban ang kanilang pamilya na malalampasan nila ang pagsubok.
Si Lola Lucena naman, isinumpa na hindi na siya kakain ng tilapia kailanman.
“Hindi baleng mag-ulam na lang ako ng kahit wala na lang muna, kahit asin o ano, huwag na lang muna po tilapia. Medyo meron pa po akong phobia sa nangyari po sa akin,” sabi ni Lola Lucena.
Paglilinaw naman ng mga eksperto, hindi kailangang matakot sa tilapia kundi kailangan ng ibayong pag-iingat at tamang pagluto ng tilapia.
Tunghayan sa “Kapuso Mo, Jessica Soho” ang payo ng eksperto sa tamang paraan ng paggamot ng sugat. — VBL, GMA Integrated News
