Ikinagulat ng mga nagpapatrolyang barangay tanod ang nakita nilang maliit na buwaya na tumatawid sa daan sa isang residential area sa Barangay San Jose, Puerto Princesa City, Palawan.

Sa ulat ni Wilmar Abrea ng Super Radyo Palawan sa Super Radyo dzBB nitong Biyernes, sinabing may haba na 2.5 talampakan ang buwaya at tinatayang mahigit isang buwan pa lang ang edad.

Ayon sa Punong Barangay na si Jennifer Trinidad, gabi noong Martes nang makita ng mga tanod na nasa mobile patrol ang tumatawid na buwaya na isang saltwater crocodile.

Ipinagtaka ng mga opisyal ng barangay at Palawan Council for Sustainable Development kung papaano nagkaroon ng buwaya sa residential area sa Purok Bagong Pag-asa.

Ngunit nang magtanong ang mga opisyal, itinanggi ng mga residente na may nag-aalaga ng buwaya sa kanilang lugar.

Nai-turnover na ang buwaya sa Palawan Wildlife Rescue and Conservation Center (PWRCC).-- FRJ, GMA Integrated News