Isang babae na pumasok sa isang drainage canal para maghanap umano ng pagkain ang sinagip sa Bula-Lagao Road sa General Santos City.
Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Lunes, sinabing tricycle driver ang unang nakapansin sa kamay na lumiltaw mula sa kongkretong takip ng kanal.
Umiiyak na humihingi ng tulong ang babae sa loob kaya kaagad na ipinaalam ng driver sa mga awtoridad ang kaniyang nakita.
Kasama ang mga pulis, rumesponde ang mga tauhan ng Barangay Bula, at Bureau of Fire Protection, at City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) at maingat nilang tinungkab ang kongkretong takip.
Nang mabuksan ang takip, pumasok sa loob ng kanal ang dalawang tauhan ng barangay personnel para tulungang makalabas ang babae, na inakala nila noong una na bata.
Binigyan ng breathing apparatus ang babae na nahirapang huminga nang mailabas mula sa imburnal at dinala sa ospital matapos mabigyan ng paunang lunas.
Ayon sa CDRRMO, natukoy kinalaunan ang babae na 23-anyos na residente ng Cotabato Province.
Sa imbestigasyon, naligo umano sa dagat ang babae at pumasok sa isang kanal na malapit upang maghanap ng makakain.
Gumapang ang babae sa loob ng kanal hanggang sa makarating sa lugar kung saan siya nakuha na tinatayang 300 metro ang layo.
Stable na umano kalagayan ng babae at walang tinamong injury sa kaniyang ginawa. – FRJ, GMA Integrated News
