Nahilo ang isang lalaki matapos siyang mabagsakan ng buko sa ulo habang gumagawa ng “content” sa Banga, South Cotabato.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, mapanonood ang video ng content creator na si Ernesto Soriano Basinga o Enzo, habang nanunungkit ng buko sa kanilang lugar.
Ayon kay Basinga, nagkayayaan sila ng kaniyang bayaw na manungkit ng buko, at naisipan niyang gumawa ng Reels.
“So sabi ko, ‘Pinsan, kuhanan mo ako ng video habang nagsusungkit ako ng buko.’ Game naman siya! Siya ‘yung nag-video, habang si bayaw tumulong din at tumitingin,” kuwento ni Basinga.
Ngunit pagkasungkit niya sa isang buko, bumagsak ito sa ulo ni Richard.
Nagawa pang ngumiti ni Richard, ngunit makikitang nasaktan siya sa nangyari.
Agad nilagyan ng yelo ang ulo ni Richard, hanggang sa nagdesisyon na rin ang mga kaanak na dalhin siya sa ospital matapos siyang makaranas ng pagkahilo.
Isinailalim si Richard sa X-ray at CT scan sa ospital. Sinabi ng mga doktor na posibleng maging sanhi ng mild hanggang severe brain injury ang pagbagsak ng buko sa kaniyang ulo.
Maaari din itong humantong sa skull fracture o internal bleeding.
May paalala ang mga eksperto na huwag lagyan ng pressure ang parte ng ulo na posibleng nagkaroon ng skull fracture. Dapat ding i-monitor ang paghinga at pagiging alerto ng pasyente at dapat siyang dalhin agad sa pagamutan para matingnan.
Lumabas naman sa mga test ni Richard na wala siyang tinamong injury.
Nasa maayos na rin siyang kalagayan.
“Lesson learned: Next time na may content, safety first talaga! Pero at least may kuwento na kami, at may video pa na hindi malilimutan!” sabi ni Basinga. – FRJ GMA Integrated News
