Kahit alam niyang marami siyang mabibili sa napulot na P10,000 para sa kaniyang pamilya, mas pinili pa rin ng isang 23-anyos na pedicab driver sa Mangaldan, Pangasinan na isauli ito sa may-ari na isa palang estudyante at pambayad sa matrikula ang naturang pera.
“Masarap sa pakiramdam na nakatulong ako,” sabi ni Aljon Torres nang hingan ng reaksyon sa ginawa niyang pagsauli sa pera, ayon sa ulat ni Jasmin Gabriel-Galban sa GMA Regional TV “One North Central Luzon” nitong Miyerkoles.
Araw-araw na nagpapadyak si Torres, residente ng Barangay Nibaliw, para maitaguyod sa marangal na paraan ang kaniyang asawa at tatlong anak.
Masuwerte na raw kung kumita siya ng P300 sa isang araw na pinagkakasya ng kaniyang misis sa kanilang pangangailangan.
Batid niya na marami siyang mabibili sa P10,000 na kaniyang napulot pero hindi raw niya maaatim na gastusin ito dahil hindi naman sa kaniya.
“Mahirap din po kung kukunin ko, kailangan din niya ‘yun. Sa totoo lang, marami na mabibili ‘yun pero hindi ko ‘yun pera,” saad niya.
Dahil sa katapatan ni Torres, pinarangalan siya ng lokal na pamahalaan ng Mangaldan at binigyan ng cash gift at grocery items.
Umaasa ang mga lokal na opisyal na magsisilbing inspirasyon at pamamarisan ng iba ang katapatan ni Torres.
“Congrats sa kasama natin. Sana pamarisan siya ng iba pa,” sabi ni Gerry Ydia, Mangaldan POSO Chief.—FRJ GMA Integrated News
