Nakatawag ng pansin ng mga awtoridad ang isang buhay na manok na nasa hood ng isang bumibiyaheng jeep sa bahagi ng EDSA sa Pasay.

Sa ulat ng Balitanghali nitong Huwebes, sinabing nagpaliwanag ang driver na ibinilin ang manok sa kaniya ng kaniyang ina at nagsisilbi itong tila pampaswerte niya.

Pinatanggal ito ng mga taga-Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT).

Natiketan ang lalaki hindi dahil sa manok, kundi dahil sa ilang paglabag sa roadworthiness check. Napag-alamang pudpod ang reserbang gulong ng kaniyang jeep at sira ang brake lights nito.

Ilan pa ang natiketan dahil sa pagpapasabit sa mga pasahero. Hindi bababa sa limang jeepney driver ang natiketan sa operasyon nitong Huwebes.

Naantala man, sinabi ng ilang pasahero na naiintindihan nilang para sa kaligtasan din nila ang roadworthiness operation. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News