Isang ginang sa Malabon na madali umanong magmahal noong kaniyang kabataan ang nagkaroon ng 12 anak na puro panganay. Sa edad niya ngayon na 76-anyos, ibinahagi niya ang kaniyang kuwento upang kapulutan ng aral. Alamin din ang saloobin ng ilan sa kaniyang mga anak na karamihan ay ipinaampon niya.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” sinabi ni Nanay Nene na hindi man sa pagyayabang pero maganda raw siya noong kaniyang kabataan. Mahilig din daw siyang mag-ayos ng kaniyang sarili.
“Ipaalis mo na ang lahat sa akin huwag lang yung pag-aayos ko sa sarili ko. Talagang ayokong makita ng mga tao na wala ka ngang pera mukha ka pang gusgusin,” paliwanag niya.
Sa 12 niyang anak, iilan lang ang nakakasama niya ngayon dahil ipinaampon niya ang karamihan sa mga naging anak niya.
Ayon kay Nanay Nene, dumami ang kaniyang anak dahil hindi niya gustong ipalaglag ang bata kapag nabuntis siya.
“Kasi katwiran ko, makasalanan ka na magkakasala ka pa [kapag ipinaglaglag ang bata],” saad niya.
Kuwento ni Nanay Nene, bata pa lang siya nang maulila siya sa ina. Hindi raw niya matanggap nang muling mag-asawa ang kaniyang ama.
Hanggang sa ipinakasal siya sa kaniyang kaibigan na naging malapit sa kaniya na si Jesus kahit menor de edad lang siya.
“Noong araw kailangan kapag naisama ka sa sine o saan man, ipapakasal kayo kahit hindi kayo magkasundo,” sabi ni Nanay Nene.
Nagbunga ang kanilang pagsasama pero hiniwalayan ni Nene si Jesus noong tatlong buwan siyang buntis dahil nananakit umano ang lalaki.
Sumunod naman niyang nakapalagayan ng loob ang kanilang kapitbahay na si Alfredo na tinanggap din ang una niyang anak na si Carmelito.
Ang pagsasama nila ni Alfredo, nagbunga ng ikalawa niyang panganay na si Tony. Pero nang lumipas ang panahon, naging seloso umano si Alfredo at nananakit din kaya hiniwalayan niya.
Bumalik sa kaniyang ama si Nene kasama ang anak na si Carmelito, habang naiwan si Tony kay Alfredo. Para matustusan ang pagpapalaki kay Carmelito, nagtrabaho si Nene sa pasugalan at doon siya nagkaroon ng iba pang mga karelasyon.
Pag-amin ni Nene, dahil sa isip-bata siya noon, madali siyang mapaniwala sa mga pangako at matukso.
“Nagsasama naman kami. Tumatagal naman yung mga ka-live in ko na isang taon, dalawang taon. Kaya lang kapag nalamang buntis ako, iniiwanan ako,” paglalahad niya.
Sinabi rin ni Nene na hinihiwalayan din niya ang lalaki at hindi na hinabol kapag nalaman niya na may iba itong pamilya.
Ngunit dahil walang siyang ipangtutustos sa mga naging anak niya, ipinaampon niya sa kaniyang mga kakilala ang kaniyang naging ikatlo hanggang sa ika-11 mga anak.
“Kasi iniisip ko, nasa akin nga kayo [ang] nangyari sa buhay ko na magpapalit-palit ako mangyari din sa inyo, magpalaboy-laboy kayo,”paliwanag niya.
Ang iba niyang mga anak na ipinaampon, kilala siya bilang tunay nilang ina. Habang ang iba naman, tuluyan na umanong inilayo sa kaniya ng mga umampon.
Ngunit ano naman kaya ang saloobin ng ilan sa mga anak niya na nakakasama niya tungkol sa pagkakaroon niya ng 12 anak na puro panganay, at ipinaampon pa ang karamihan sa kanila? Panoorin ang buong kuwento ni Nanay Nene sa video na ito ng “KMJS.”—FRJ GMA Integrated News
