Sa halip na pumuti, lalong nangitim ang kilikili ng isang babae matapos gamitin ang nabili niya online na whitening cream.

Sa For You Page ng GMA Public Affairs, napag-alaman na may polycystic ovary syndrome o PCOS si Emily Kaye Marra, kaya hangad niyang mapaputi ang kaniyang kilikili.

Nang dumati ang nabili niyang pamputi online, ginamit niya na ito at wala naman daw siyang naramdamang problema sa unang araw. Napansin din niyang pumuti agad ang kaniyang kili-kili.

“Pero noong second day ko, ‘yun na po, nagka-redness po siya tapos nagka-rashes tapos nangangati,” kuwento niya.

Sa sobrang hapdi, napupuyat na si Marra sa kakaiyak.

“Sobrang hapdi na talaga niya as in. Kapag ire-rate mo siya ng 1 to 10, 10 talaga siya. Kasi hindi mo alam kung anong posisyon mo matutulog kasi sobrang hapdi talaga, kung itataas mo ‘yung kilikili mo,” sabi niya. “Parang tinatanggal ‘yung balat mo sa kili-kili.”

Dahil naaapektuhan na ang kaniyang pagtulog, nagpasiya nang magpatingin si Marra sa dermatologist. Dito na siya pinayuhang itigil ang paggamit ng naturang cream.

Ayon sa dermatologist na si Dr. Grace Carole Beltran, bukod sa irritation at contact dermatitis ang side effect ng produkto, puwede rin umano itong makapatay ng tao.

“Kasi depende kung ilang precipitate per ml ‘yung mercury na content niya. Mayroon na siyang mercury, may salicylic acid pa siya at betamethasone,” ayon kay Beltran.

Kung hindi agad naagapan ni Beltran ang kaniyang kilikili, posible umano itong humantong sa sakit sa kidney at liver.

Ayon naman sa pagkumpirma sa Food and Drug Administration o FDA, hindi nakarehistro sa kanila ang produktong ginamit ni Marra.

“As of now, based on our FDA verification portal, this product, wala pa rin siyang authorization coming from the Food and Drug Administration,” sabi ni Analyn Ignacio, Food-Drug Relation Officer III ng FDA.

Dagdag ni Ignacio, “in effect” pa rin ang Advisory 2021-1187 ng ahensiya na nagbababala tungkol sa produkto.

“‘Yung mga produkto na hindi dumaan sa FDA, walang kaukulang authorization katulad ng Certificates of Product Notification for cosmetics, hindi tayo nakasisiguro na ligtas at ano ‘yung laman ng mga produkto na ito so maaaring magkaroon ng hindi inaasahang pangyayari ng untowards effects katulad ng pangangati ng balat,” sabi ni Ignacio.

Sinubukan ng GMA Public Affairs na tuntunin ang distributor o manufacturer ng produkto para sa kanilang komento, pero hindi sila tumugon sa mensahe.

Nagpaalala ang Department of Trade and Industry sa online consumers.

“Mag-transact lang kayo sa mga reputable na mga online platforms… Meron din silang proseso kung paano makakapagsauli o makakapag-refund kung sakaling may panloloko o may mali sa mga nabili,” sabi ni Assistant Secretary Agaton Teodoro Uvero, Head, Fair and Trade Group.

“Pangalawa, iwasan po nating masyadong maniwala sa mga too good to be true na mga promo o nagbebenta kasi posible po kayong maloko kapag ganu’n. Pangatlo, kailangan mapanuri,” dagdag ni Uvero.

Patuloy na pinagagaling ni Marra ang kaniyang kilikili.

“Dapat po mag-research muna kung ano ang product na ginagamit, ‘yung ingredients niya. And second po, kailangan nating mag-patch test muna bago talaga ilagay natin sa kili-kili. Ang sabi ng derma, ‘yung kili-kili raw ay mas sensitive sa mukha. Kailangang mag-patch test muna sa lahat ng gagamitin,” sabi ni Marra. – FRJ GMA Integrated News