Kakaiba ang napiling pet ng isang pamilya sa Clarin, Misamis Occidental dahil hindi ito aso o pusa, kung hindi isang malaking paniki at tila natuturuan din daw ng tricks. Pero ligtas kaya itong gawing alaga?

Sa programang “Dami Mong Alam, Kuya Kim!” mapanonood ang video ni Carmel Doldolia at alaga nilang paniki na si “Kerew,” na puwede raw tawagin para lumipad at lumapit.

Ikinuwento ni Doldolia kung paano napadpad sa kanilang bahay si Kerew.

“Nandito ‘yan sa amin mga first week sa May. Ngayong taon, nahulog siya sa bubungan namin.
Pinulot ng husband ko. Pagtingin niya, meron palang baby. So, kinupop namin ‘yun si Kerew at inaalagaan, pinapakain. Na-cute-an lang kami sa kaniya. Tapos, kawawa siya kasi maliit kasi eh,” sabi ni Carmel .

Bukod sa kaniya, isa rin sa nag-aalaga kay Kerew ang asawa niyang si Emil Doldolia.

“Dito sa amin, ilang beses na kami nakakita ng ganiyan. Para lang normal sa akin na may paniki sa amin. Kita ko rin na maliit pa lang, hindi pa marunong talaga makalipad,” sabi ni Emil.

Sa ngayon, singlaki na ng pusa habang kasinghaba na ng tuwalya ang pakpak ni Kerew. May haba na itong anim na metro, at marunong na ring lumipad.

Ang mga paniki lamang ang tanging mammal na kayang lumipad. Isang uri ng fruit bat si Kerew na prutas ang paboritong kainin.

Madalas din umano itong dumikit sa katawan ng bawat miyembro ng pamilya. Tinitiyak din nila ang kaligtasan nito, na kanilang pinupunasan at binibigyan ng pagkain.

Wala rin umanong insidente na nagkasakit ang kanilang pamilya dahil kay Kerew.

Malalaki ang mga pakpak ng fruit bat at umaabot ang iba ng 1.7 metro ang wingspan, o kasinghaba ng isang 6-seater na dining table. Karaniwan silang makikita sa tropical countries tulad ng Pilipinas.

Pero ayon sa beterinaryong si Dra. Zarag Rosuello ng Dr. Z Animal Clinics, hindi domesticated na hayop ang mga paniki.

“Ang bats in general, hindi naman ito domesticated. So, they are wild animals. So, maaari the reason bakit naging parang mistulang maamo 'yung bat doon sa pamilya ng ginang ay parang dahil may pagkain siya na nakukuha roon sa household na iyon,” ani Rosuello.

Ngunit ligtas nga kayang alagaan ang isang paniki na napadayo sa isang tahanan?

“These are wild animals. So, hindi sila intended na alagaan. Especially these bats because they can harbor rabies virus, Nipah virus, which are deadly diseases to humans,” babala ng beterinaryo.

Sa Pilipinas, protected species ang ilang fruit bats kaya bawal silang saktan o hulihin lalo kung endangered.

“They are pollinators, especially these fruit bats. Since they are frugivores, they spread seeds and pollen. There is a law that punishes people who get wild animals and illegally acquire them. We have to keep these wild animals freely roaming dito sa nature nang sa ganu’n magawa nila 'yung role nila sa environment and sa ecosystem,” ani Dra. Rosuello.

Paglilinaw naman ng pamilya, wala silang balak na panatilihin si Kerew sa kanilang tahanan sa habambuhay.

“Pakakawalan din namin. Alam namin na bawal ‘yan mag-alaga kasi wildlife,” sabi ni Emil. – FRJ GMA Integrated News