Kinagiliwan ng netizens ang isang daddy na grabe ang puyat at pagod sa pag-aalaga, nang ihele at tapik-tapikin niya ang isang face mask sa pag-aakalang ito ang kanilang bagong silang na baby sa Dasmariñas, Cavite.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing katatapos lang noon mag-breastfeed ni Mommy Jessica Reposar nang gisingin niya ang kaniyang partner na si Daddy Renz upang alisin ang pacifier ng kanilang baby sa higaan.
Sinunod naman ang pupungas-pungas pa na si daddy Renz, ngunit hindi inasahan ni mommy Jessica ang sunod na ginawa ng asawa.
Matapos alisin ang pacifier sa higaan, inilagay ni Renz ang suot niyang face mask sa higaan at saka tinapik-tapik na tila baby.
Wala nang nagawa si Jessica kundi matawa. Ngunit hininaan niya lang ito dahil bawal ang maingay at magigising ang kanilang baby.
Ang ending, bumalik na lang sa pagtulog si Daddy Renz.
Kinabukasan, ipinakita ni Mommy Jessica ang footage, at napagtanto niyang wala talaga sa sarili si Daddy Renz.
“Siyempre ako, confused sa ginawa niya, hanggang sa tawa na ako nang tawa. Inalis na niya ‘yung face mask tapos binalik at tinapik niya ulit. Kinabukasan, nu’ng pinanood ko ‘yung video ko sa kaniya, tawang tawa siya pero hindi niya raw maalala ‘yung ginawa niya,” sabi ni Jessica.
Ayon kay Jessica, 10 araw pa lang noon ang kanilang unico hijo na si Baby Jarren.
Bukod sa labis na puyat at pagod sa bagong silang na sanggol, may sipon at ubo pa si Daddy Renz kaya siya naka-face mask.
Kinagabihan, labis na pagod ulit ang eksena ni Daddy Renz, na nakatulog naman sa silya.
Relate ang maraming magulang lalo’t hindi biro ang pag-aalaga sa mga bagong silang na sanggol.
Si Baby Jarren, limang buwang gulang na ngayon at hindi na masyadong namumuyat.
Pero dahil sa viral na video ng kaniyang mommy at daddy, ang tawag na tuloy sa kaniya online, si “Baby Face Mask.” – FRJ GMA Integrated News
Puyat na daddy, face mask ang napagkamalang baby
Setyembre 25, 2025 7:55pm GMT+08:00
