Tumagilid at dumausdos, at saka nagliyab ang isang truck na may kargang mahigit isang dosenang buhay na baka sa isang expressway sa Hebi sa China. Ang dahilan ng insidente, isang kotse na biglang lumipat ng linya.

Sa video na mapapanood sa GMA Integrated Newsfeed, makikitang iniwasan ng truck ang kotse na biglang nag-swerve, na ayon sa mga awtoridad ay lumampas sa exit ng expressway.

Dahil na rin sa mga kargang baka, nawalan ng balanse ang sasakyan hanggang sa tumagilid at dumausdos, at nasundan ng pagliyab.

Mabuti na lang at hindi kumalat ang apoy at kusa ring nawala.

At ang mga baka, isa-isang lumabas mula sa truck.

Ligtas naman ang driver ng truck na naka-seatbelt noon nang mangyari ang insidente.

Pananagutin ng mga awtoridad ang driver ng kotse dahil sa reckless lane maneuver na ginawa nito. – FRJ GMA Integrated News