Nahuli-cam sa CCTV camera sa loob ng isang grocery store sa Quezon City ang pagtutok ng baril at pag-amba ng patalim ng mga suspek sa lalaking cashier na kanilang hinoldap. Pero ang eksena, napag-alaman na “drama” lang pala na bahagi ng modus na “holdap me.” At ang itinuturong utak umano sa modus, ang mismong cashier.

Sa ulat ni James Agustin sa GTV News Balitanghali nitong Miyerkoles, mapanonood ang kuha ng CCTV camera ang mga suspek na mistulang customer na pumasok sa naturang grocery store sa Barangay San Antonio.

Ngunit ilang saglit lang, biglang naglabas ng baril ang lalaking nakatakip ang bibig at itinutok ito sa lalaking cashier.

Ang isa pang lalaking nakasuot ng grey na jacket, naglabas naman ng patalim kaya bahagyang napaatras ang cashier.

Umamba pang sasaktan ng isa sa mga kawatan ang cashier, kaya kinuha na niya ang pera sa kaha at iniabot ito sa lalaki.

Agad na tumakas ang dalawang suspek na dala ang tinangay na P28,000 na kita ng grocery store.

Sa isinagawang follow-up operasyon ng pulisya, unang nadakip ang 20-anyos na lalaki na naging lookout umano ng grupo.

Sinabi ng pulisya, lumitaw na dating empleyado sa grocery store ang naarestong suspek. Nabawi sa kaniya ang mga damit ng dalawang lalaking nakita sa CCTV.

Kalaunan, nahuli rin ang dalawang lalaking nangholdap na isang 23-anyos at isang 17-anyos. Nakuha sa kanila ang isang replika ng baril at ang bahagi ng ninakaw na pera na aabot sa P13,200.

“Nilapitan kami ng parking boy. Ininpormahan kami na allegedly 'yung dating empleyado ng grocery store, si alyas “Kenneth,” ay kausap 'yung dalawa bago pumasok doon sa grocery store at nag-announce ng holdap,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Rolando Baula, Commander ng Masambong Police Station.

Lumabas sa imbestigasyon ng mga awtoridad na inside job ang nangyari at mastermind umano sa krimen ang cashier na 21-anyos. Naaresto rin siya at napag-alaman na magpipitong buwan pa lang siyang nagtatrabaho sa tindahan.

“Allegedly, nag-text 'yung kahero na ‘Pumasok na kayo, wala nang tao.’ Kaya tinuga [isinumbong] rin siya na siya ang nagplano ng lahat. Actually magkakaibigan sila, magkakakilala sila,” sabi ni Baula.

Itinurn-over ang menor na edad sa Molave Youth Home habang nakakulong ang tatlo pang suspek sa Masambong Police Station.

Umamin naman sa krimen ang mga suspek na nagawa raw nila dahil sa kahirapan.

“Nasa labas lang po ako, naghihintay lang po ako. Kumbaga parang look out po ako sa labas. Financial need po kasi, mga expenses po,” anang 20-anyos na suspek.

“Wala naman po, inaamin ko rin naman po. Tutal gawa nga rin po ng pangangailangan po talaga kaya po po nagawa 'yung mga gano’ng bagay. Pellet gun lang po ‘yun,” sabi ng 23-anyos na suspek.

“Hindi ko naman po kailangan ipagtanggol 'yung sarili ko kasi aminado naman po ako sa nagawa kong kasalanan. Tulad ng karamihan, nabiktima lang po ako ng kahirapan,” sabi naman ng 21-anyos na suspek.

Sinampahan na ang mga suspek ng reklamong robbery habang may karagdagang reklamong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang 23-anyos na suspek.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News