Magkahalong gulat at pagkamangha ang naramdaman ng isang pamilya matapos mahuli sa kanilang bahay ang isang pambihirang butiki na hindi lang isa, kundi dalawa ang ulo sa Jordan, Guimaras.
Sa video ng gurong si Ervin Labastre Isogon, na iniulat sa GMA Integrated Newsfeed, ikinuwento niyang inakala ng kaniyang pamangkin na alikabok lang ang maliit na butiki.
“Nakita ng nephew ko, akala niya dust lang sa kurtina. Mga 11 p.m. na siguro ‘yun, then pag-check niya ulit, ‘yung nakita niyang dalawa ang ulo,” ayon kay Ervin.
Kalaunan, nagdesisyon ang kaniyang pamangkin na alagaan ang kakaibang butiki.
“Nagulat siya kasi mahilig talaga ‘yung nephew ko sa animals. Na-amaze rin siya. Ako na-amaze rin, nagulat,” ani Ervin.
Inilagay nila sa container ang butiking may dalawang ulo at pinakain ng mga larva.
Paliwanag ng mga eksperto, bicephaly ang tawag sa pagkakaroon ng dalawang ulo ng isang hayop. Nangyayari ito kapag hindi nabubuo ang split ng isang embryo na dapat sana’y magiging kambal.
Mas madalas daw na nangyayari ito sa reptiles kaysa sa mammals.
Gayunman, rare o hindi pangkaraniwang phenomenon ang pagkakaroon ng dalawang ulo ng isang butiki.
Mababa ang tiyansa na mabuhay sa ilang ng mga hayop na may bicephaly, ngunit may tiyansang mabuhay ang mga ganitong specimen kung nasa captivity o pangangalaga ng mga tao.
Ang butiking nahuli ng pamangkin ni Ervin, nabuhay ng dalawang linggo ngunit pumanaw din kalaunan.
Nanghihinayang man sina Ervin, masaya silang nakapag-aruga sila ng specimen na bihira lamang nilang nakita sa kanilang buhay. – FRJ GMA Integrated News
