Ikinabahala ng mga taga-Bogo City, Cebu ang namataan nilang mga patay na isda sa dalampasigan kasunod ng magnitude 5.8 na aftershock nitong Oktubre 13 sa Bogo City, Cebu.
Sa video ni Jad Tabora na nakalap ng DYSS Super Radyo GMA, makikitang nagkalat sa pampang ang mga patay na isda sa Sitio Santo Niño Compound sa Santo Rosario.
Ayon kay Tabora, bago ang insidente, napansin nila ang pagbabago sa antas ng dagat simula nang yanigin sila ng magnitude 7.4 na lindol.
Sa footage naman ni Zo Romulo madaling araw ng Oktubre 13, muling naramdaman ang pagyanig sa kanilang lugar na dulot ng magnitude 5.8 na aftershock.
Ayon sa mga residente, ngayon lamang nila ito naranasan sa lugar. Hinala nila, posibleng naanod ang mga isda matapos tumaas ang antas ng tubig at hindi na nakabalik ang mga ito sa dagat.
Batay sa mga eksperto, maaaring magdulot ng fish kill ang malalakas na lindol sa ilalim ng dagat o ilog.
Posibleng gumalaw ang sediments dahil sa shockwaves, at maaaring bumara ito sa gills o hasang ng mga isda.
Posible ring tumagas ang gasses na na-trap sa seabed, na lumason sa mga isda.
Nawawasak din ng lindol ang habitat ng mga isda o nagbabago ang water chemistry.
Nagpaalala ang mga siyentipiko na epekto ng lindol ang pagkamatay ng mga isda ngunit walang patunay na senyales ito ng muling parating na pagyanig. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
