Nabungkal ang bahagi ng isang shrine na itinuturing historical landmark sa Tangalan, Aklan, matapos hanapin ng ilang kalalakihan ang P500 na itinago roon ng isang vlogger.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, mapanonood ang parte ng vlog ni Bobby Basalan Paypa, na makikita ang ilang lalaki na sumugod sa isang istruktura na tila may hinahanap sa damuhan.
Makaraan ang ilang minuto, ilang lalaki pa ang sumali. Ilan sa kanila ang nagbunot ng damo, at binungkal na nila ang lupa.
Kalaunan, nakita rin ng isa sa mga lalaki ang target na P500 bill.
Umani ng ilang negatibong reaksyon mula sa netizens ang vlog dahil isa palang historical landmark ang ginamit sa pakulo na Heroes of Vivo Shrine.
Itinayo ang shrine bilang pag-alala sa kabayanihan ng mga Katipunero na nag-aklas laban sa mga Espanyol noong 1897.
Sa isang pahayag, sinabi ng LGU na may gagawin silang ordinansa para hindi na maulit ang naturang pangyayari.
“While they claim that nothing was damaged since it’s mostly grass, this area is an important landmark and part of our community’s pride,” sabi ni Mayor Gene Fuentes ng Tangalan, Aklan.
“Kahit damo lang, hindi natin dapat hayaang gamitin sa masamang paraan ang ating lugar,” dagdag ni Fuentes.
Nag-public apology naman ang vlogger na si Paypa sa kaniyang pagkakamali at nangakong hindi na uulitin ang ginawa.
Sinabi ni Paypa na bago sila umalis sa shrine, inayos muna nila ang lupang nabungkal. Mismong ang kaniyang followers din ang pumunta roon para ibalik sa ayos ang nasira.
Nakatakda ring humarap sa mga lokal na opisyal si Paypa upang personal na humingi ng paumanhin.
“Hindi naman namin intensyon na mambastos sa lugar, kundi for fun lang po talaga. Naisip lang po namin na doon maglagay, hindi po namin naisip na shrine pala ‘yun ng Tangalan,” sabi ni Paypa.
“We also remind everyone that public spaces are not for personal attention or clout but for the enjoyment and safety of the whole community,” sabi naman ni Fuentes. – FRJ GMA Integrated News
