Napinsala ang apat na sasakyan na nakaparada sa bakuran ng Minor Basilica of Our Lady sa Manaoag sa Pangasinan para mabasbasan matapos na mabagsakan ng natumbang malaking puno ng acacia.
Sa ulat ni Sendee Salvacio sa GMA Regional TV One North Central Luzon, sinabing dalawa sasakyan ang direktang tinamaan ng natumbang puno.
“Napag-alaman natin na ito pala [puno] is yung sa loob niya, bulok na po. May mga maliliit na lang na roots na nagpapatibay doon. At sabi nga ng simbahan at LGU, matagal na raw po yun,” ayon kay Police Major Peter Raul Sison, hepe ng Manaoag Police Station.
Kaagad namang inaksyunan ng mga awtoridad ang insidente at hinatak ang mga sasakyan.
Ang isa sa mga sasakyan, galing pa umano sa Maynila, habang residente naman mula sa Baguio City ang mga may-ari ng tatlo pang sasakyan.
Samantala, isang araw pa lang umanong nagagamit ang isang napinsalang sasakyan.
Sinabi ni Mayor Jeremy Agerico Rosario, tinulungan ng lokal na pamahalaan at pamunuan ng simbahan ang mga may-ari ng napinsalang mga sasakyan.
“Kinausap din sila ng matiwasay at maayos ng simbahan. Since nangyari nga sa loob ng basilica, nagbigay din ng tulong ang simbahan… ‘Yung nasirang sasakyan, iniwan at hinatid ng service ng munisipyo,” ayon kay Rosario.
Nakipag-ugnayan din ang lokal na pamahalaan sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) para masuri ang kondisyon ng iba pang puno sa loob ng bakuran ng basilica.
“Kaya nga may planong ikonsulta ang DENR kasi marami yan yung century-old na acacia tree,” ani Rosario.
Hindi na nagbigay ng pahayag ang pamunuan ng simbahan, at wala namang nasaktan sa insidente.—FRJ GMA Integrated News
