Muling naglabas ng abiso ang Embahada ng Pilipinas sa Washington, D.C. para sa mga Pilipinong nasa silangang bahagi ng Amerika na maghanda sa paparating na winter storms.

Sa isang advisory nitong Biyernes, pinayuhan ng Embahada ang mga komunidad ng Pilipino na sundin ang mga babala ng lokal na pamahalaan at magsagawa ng mga kinakailangang paghahanda. Bunsod ito ng inaasahang malakas na buhos ng niyebe, pagiging mapanganib sa pagbiyahe, at matinding lamig na mararanasan sa ilang lugar ngayong weekend.

Kabilang sa mga apektadong lugar na inaasahang makararanas ng matinding pag-ulan ng niyebe ang Southern Appalachians, Carolinas, at southern Mid-Atlantic.

“The safety of Filipino nationals is the Embassy’s priority. Please monitor local weather updates, prepare for cold temperatures, limit travel, and secure important documents such as passports and IDs,” saad sa abiso.

Dahil sa matinding lamig na naranasan sa silangang bahagi ng U.S. iniulat na hindi bababa sa 38 ang nasawi mula sa 14 na estado hanggang nitong Martes, at 10 sa mga nasawi ay nasa New York City.

Nagdulot din umano ang winter storm ng brownout sa mahigit 550,000 kabahayan sa buong Amerika.

Halos 200 milyong Amerikano ang patuloy na makararanas ng iba’t ibang babala sa matinding lamig na inaasahang magtatagal hanggang Pebrero 1, 2026.— Jiselle Anne C. Casucian/BAP GMA Integrated News