Bagaman mahirap, sinabi ng Kapuso actress na si Kris Bernal na naaaliw siya sa dalawang karakter na ginagampanan niya sa afternoon drama series na "Impostora," bilang ang magkamukhang sina "Nimfa" at "Rosette."
Dahil napaganda na ang pangit na hitsura ni Nimfa, hindi na kailangang gumamit ng prosthetics si Kris para sa naturang karakter, na isa sa mga pagsubok na hinarap niya sa serye.
At kahit mahirap daw ang magpapalit-palit ng emosyon bilang mabait na si Nimfa at manggagamit na si Rosette, sinabi ni Kris na nag-e-enjoy siya sa kaniyang ginagawa.
"Ang saya niyang gawin kasi two different characters so nakakapaglaro ako. Sobrang hirap niya talaga kasi alam mo naman sa taping, wala tayong enough time to prepare. So, you have to know how to switch emotions talaga right away," paliwanag niya.
"Kunyari kung galing ka sa iyak, kailangan happy ka agad kasi 'yung isang character, very positive. Talagang with make-up and outfit, ibang-iba, nakakapagod talaga siya," dagdag pa ng aktres.
Kaya naman maaga pa lang daw ay pinag-aaralan na ni Kris ang kaniyang script.
"I read or study my script the day before, every time I have a free time, talagang inaaral ko siya para 'pag sumalang na ulit, okay! Para kahit pagpalit-palitin mo ako, kabisado ko lahat ng lines ko," kuwento pa ni Kris.
Kontrabida role
Natutuwa rin si Kris dahil nakikita raw ng kaniyang fans na kaya niyang gumanap bilang kontrabida.
"Grateful ako, very thankful ako sa mga feedback ng mga tao kasi natuwa sila na puwede raw din pala akong maging kontrabida, maging masungit, and maging matapang. Du'n sila mas naaaliw kasi feel ko nasanay na nga sila ro'n kay Nimfa na mabait, very jolly lang, very positive lang. Ang dami kong na-receive na good feedbacks, so thankful ako. At okay din ang ratings namin, so yey!," masaya niyang paliwanag.
Kung papipiliin, aminado si Kris na mas sumasalamin sa kaniya ang karakter ni Nimfa kaysa kay Rosette na palaban.
"Mas close yung character ko kay Nimfa kasi siya yung mabait, magalang, masaya lang siya sa buhay. 'Yung goal niya lang, mabigyan ng magandang buhay 'yung family niya. So very close yung character ko ro'n. Kaya very challenging sa akin 'yung Rosette, 'yung matapang, kasi hindi ko kayang manakit," pahayag pa niya. -- FRJ/KVD, GMA News
