Super Tekla, sinagot ang mga alegasyon na lulong siya sa sugal at bumalik sa droga
Sa isang ekslusibong panayam, direktang sinagot ni Super Tekla ang ilang komento ng netizen na lulong umano siya sa pagsusugal at nagbalik sa paggamit ng iligal na droga. Lumabas ang mga alegasyon matapos siyang mawala sa "Wowowin."

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing idinaan sa biro ni Super Tekla ang dahilan ng kaniyang pagkawala sa "Wowowin."

"Nung nakarating sa akin ang balitang ganun, 'magpapahinga ka muna,' sabi ko this is it. Kasi sabi ko lahat nang nagpapahinga at lahat nang natutulog, natutuluyan," natatawa niyang kuwento.

Ang paniniwala ng komedyante, kalooban na rin ng Diyos ang kaniyang pinagdadaanan ngayon para magising kung may nagawa man siyang pagkakamali .

"Yung nangyari sa 'Wowowin' parang wake-up call sa akin na mayroon akong dapat sigurong baguhin sa sarili ko," aniya.

Noong nakaraang linggo, mismong si Tekla ang nagsiwalat sa pamamagitan ng social media post na wala na siya sa "Wowowin," matapos hindi mapanood sa programa sa nakalipas na dalawang linggo.

READ: Super Tekla, nagsalita na kung bakit hindi siya napapanood sa 'Wowowin'

Samantala, payo naman niya sa mga humuhusga sa kaniya sa social media; "Suutin niyo muna yung sapatos ko para malaman niyo ang pinagdadaanan ko."

Nilinaw din niya ang mga alegasyon ng ilang netizen na nagkokomento sa social media na lulong siya sa sugal at bumalik sa paggamit ng iligal na droga.

"Nagbi-bingo ako. I never thought na that its gambling. Kasi di ba sa mga fundraising mayroon namang bingo," paliwanag niya.

Tungkol sa droga, sinabi ni Tekla na, "Ano ang reason ko bakit pa ako babalik dun? Kasi alam mo ba ang taong nagda-drugs or if you're intoxicated ng drugs hindi ka makakapag-isip nang maayos, 'pag once naka-drugs ka, lutang ka eh. Pinagdaanan ko na 'yon."

Nang mapag-usapan muli ang "Wowowin," bumuhos ang luha ng komedyante.

"Nami-miss ko yung 'Wowowin" of course minahal ko 'yon, sobra," saad niya. "Kuya [Willie Revillame], never akong magtatanim ng sama ng loob kasi lahat ng binigay ko sa akin though not financial, inaani ko na siya, sabi ko nga hindi na ako mahihirapang magsimula."

Nang tanungin kung aalis ba siya sa GMA, ayon kay Tekla, "Never, alam mo ako yung tao na napakasimple kumbaga yung salitang-utang na loob." -- FRJ, GMA News