Sa panayam ng PEP.ph, inamin ng Queen of All Media na si Kris Aquino na sunod-sunod niyang pinanood ang ilang episode ng Kapuso hit afternoon drama series "Ika-6 Na Utos."
Sa artikulo ni James Patrick Anarcon, na lumabas sa PEP.ph nitong Biyernes, sinabi ni Kris na ilang episode ng seryeng pinagbibidahan nina Sunshine Dizon, Ryza Cenon, at Gabby Concepcion, ang kaniyang pinanood bago pumunta sa event ng isang video-on-demand site nitong Huwebes.
"Before coming here tonight, I actually binge-watched 33 episodes of 'Ika-6 Na Utos,'" saad ni Kris.
Sa mga nakaraang panayam, sinabi ni Kris na napapanood na niya ang ilang programa sa GMA mula nang magtapos ang kontrata niya sa ABS-CBN.
Sa phone interview naman noong Abril ng YES! Magazine at PEP.ph editor-in-chief Jo-Ann Q. Maglipon, sinabi ni Kris na batid niya ang tungkol sa pinag-uusapang serye na "Ika-6 Na Utos."
"So na-curious talaga ako, so sabi ko, mapanood nga," aniya. So hinanap ko siya, and I saw the episode, they're very good in that type of genre talaga."
Nagsimulang umere ang "Ika-6 Na Utos noong Disyembre 2016 at patuloy na napapanood sa afternoon primeblock ng GMA.
Sa nakaraang episode, magpaparamdam muli ang namayapang anak ni Emma para sagipin ang kaniyang kapatid na si Sydney o Milan.
-- FRJ/KVD, GMA News
