Nahuli-cam ang mga takaw-disgrasyang pagbiyahe ng ilang motorsiklo tulad sa Liloan, Cebu na may drum na nakasuklob sa kaniyang back rider.
Sa ulat ni Cedric Castillo sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Lunes, ipinakita ang cellphone video na nakunan ang isang motorsiklo na inakala niyang may kargang drum sa likod.
Pero nang makalapit ang uploader ng video sa nakamotor, doon niya nakita na nakataob pala ang drum sa isang angkas.
Mabilis umano ang takbo ng motorsiklo na maaaring ikahulog ng kaniyang angkas at makadisgrasya sa ibang motorista.
Samantala, nakunan din ng isang concerned citizen ang delikadong pagbiyahe ng isang tricycle na may sakay na malaking metal frame.
Sa laki ng metal frame, nakasakay na sa loob nito ang isa niyang pasahero.
Nakunan naman sa Datu Montawal, Maguindanao, ang pag-arangkada ng isang motorsiklo na may sakay na limang tao at kargang mga paninda. -- FRJ, GMA News
