Nakadapa at nakalislis ang kasuotan ng siyam na taong gulang na babae nang makita ang bangkay nito sa isang bakuran na hindi kalayuan sa kaniyang bahay sa Dinalupihan, Bataan.

Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Danica Santos, na hindi na nakauwi sa kanilang bahay mula noong Linggo.

Ayon sa nakadiskubre sa bangkay, nagwawalis siya nang makita niya ang bata at agad niyang inireport sa barangay.

Kuwento ng mga kaanak ng biktima, inutusan lang ang bata ng kaniyang tiyuhin na bumili sa isang tindahan pero hindi na ito nakabalik.

Sa hiwalay na ulat ng GMA News TV "QRT," sinabi ni Police Chief Inspector Eduardo Guevara Jr., hepe ng Dinalupihan police, may nakita umanong seminal fluid sa biktima na indikasyon na hinalay.

Lumitaw din sa paunang imbestigasyon na pinatay sa pamamagitan ng pagsakal ang bata, at patay na ito nang iwan ng salarin sa bakuran kung saan nakita ang bangkay.

Sa ulat naman ng GMA News "24 Oras," sinabing inaresto ng mga pulis ang tiyuhin ng biktima na si Leonardo Aquino na siyang nag-utos daw sa bata na bumili sa tindahan.

Si Aquino rin ang itinuturo ng mga saksi na huling nakitang kasama ng bata.

Pero itinanggi ni Aquino ang mga paratang at iginiit na wala siyang kinalaman sa nangyari sa biktima.

Lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na dati nang nakulong si Aquino. -- FRJ, GMA News