Walang balak si Pangulong Rodrigo Duterte na ipatigil ang planong modernisasyon ng mga pampasaherong jeepney matapos ang dalawang araw na tigil-pasada na isinagawa ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide o PISTON.

Sa dinaluhang pagtitipon sa Camarines Sur nitong Martes, binigyan-diin ni Duterte ang masamang epekto sa kalusugan ng mga lumang makina ng sasakyan na naglalabas ng matinding carbon dioxide.

Sinabi ng pangulo na dapat i-upgrade ng mga driver at operator ang kanilang sasakyan bago matapos ang taon.

“Sumunod kayo kasi January 1 [2018], kapag may makita ako diyang mga jeep ninyo na hindi narehistro, luma, guguyurin ko 'yan sa harap niyo,” babala ni Duterte, na nagsabing matagal nang plano ang modernisasyon kahit ng mga nagdaang administrasyon pero hindi natutuloy.

Samantala, nagbabala naman ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board na kakanselahin ang mga prangkisa ng mga sumama sa welga.— FRJ, GMA News