Mariing itinanggi ni Archie Alemania ang puna sa kaniya ng ilan na bastos o “manyak” siya. Inilahad din ng aktor na nakaapekto sa kaniyang karera ang kasong isinampa laban sa kaniya ni Rita Daniela na acts of lasciviousness.
Sa kaniyang panayam sa YouTube channel ni Ogie Diaz, inamin ni Archie na natigil ang kaniyang trabaho sa ngayon.
“I don’t have tapings. No work. Total stop, until now,” sabi ng aktor.
Kuwento ni Archie, may isang direktor na gusto sana siyang kunin para sa trabaho, ngunit pinaalalahanan ito ng isang staff member tungkol sa kaniyang kaso.
Bukod dito, hindi pa niya nasusubukang makipag-ugnayan sa ibang network.
Sa ngayon, nagtatrabaho si Archie para sa social media team ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), at nagpapasalamat siya na maging bahagi siya ng bagong pelikula ng Mavx Productions na "HB2ME (Happy Birthday To Me)," na pinagbibidahan nina John Arcilla at Elijah Canlas.
Bagama't nasasaktan sa nangyari, sinabi ni Archie na nauunawaan niya ang sitwasyon.
“Business is business, as usual," sabi niya.
"Kung sa tingin nila makakasama para sa kanilang negosyo na nandu’n ako, makikita ako sa screen, eh ‘yun na lang ‘yung iniintindi ko," saad ng aktor.
Ibinahagi ni Archie na patuloy pa ring dinidinig ang kaso niya kay Rita, na nasa Regional Trial Court (RTC).
“Praying for the best,” sabi niya.
'Hindi manyak'
Idiniin ni Archie na hindi siya manyak.
"Hindi ko kayang gawin ‘yon. Sa tinagal-tagal ko sa showbiz, sa dinami-dami ng naging chicks ko, sa dinami-dami ng babae ko, never po ako nangmanyak. Never po ako nanghipo nang walang consent,” anang aktor.
“Never ko ginawa kahit kanino ‘yun. Kahit nu’ng nambababae ako, never. Napaka gentleman ako sa mga babae kaya nga ako nagugustuhan,” sabi pa niya.
Inamin pa ni Archie na hindi siya nakahingi ng tawad kay Rita. Sinubukan daw niyang makipagpulong kina Rita at Sparkle, pero tumanggi umano ang aktres.
Naniniwala naman siya na kalooban ng Diyos ang nangyari sa kaniya.
“As He said, I will take you out of your comfort zone to release the new you. And I’m excited for that. New chapter, new Archie that God will give," sabi ni Archie na may halong Filipino at Ingles.
Noong Oktubre 2024, nagsampa si Rita ng reklamong acts of lasciviousness laban kay Archie. Iginiit ng kaniyang kampo na pilit siyang hinalikan ng aktor, niyakap nang mahigpit, at hinipuan ang kaniyang katawan na labag sa kaniyang kalooban.
Sinabi naman ni Alemania na hinalikan niya lamang si Rita at wala nang iba.
Idineklarang guilty ng lower court si Archie noong 2025. Sa desisyon nito, sinabi ng korte na kumbinsido itong nagsasabi ng totoo si Rita.
Binanggit din ng korte na tumutugma ang kaniyang salaysay sa pag-amin ni Alemania.
Sinabi nito na “persuasive pieces of connected evidence” ang galit ni Archie, ang kaniyang text message at mga rejected call, at ang kahilingan na umalis siya, na magdadala sa konklusiyon na ginawa niya ang inaakusa sa kaniya. -- Nika Roque/Jamil Santos/FRJ GMA News
