Inihayag ng "Eat Bulaga" dabarkads na si Maine Mendoza na babalik siya sa Twitter world at mayroon na lang siyang hinihintay na matapos.

"Wala po akong specific date pero soon po. Meron lang po akong inaantay na matapos. 'Pag natapos na po iyon, hindi ko pa kasi siya puwedeng sabihin eh, dun na po yung go signal ko to go back," saad ni Maine sa showbiz press sa isang event kamakailan.

Matatandaan na dini-activate ni Maine ang kaniyang Twitter account noong nakaraang taon dahil umano sa mga "negativity" na nababasa niya.

BASAHIN: Maine Mendoza explains why she took a break from Twitter.

Nang tanungin kung mangyayari kaya ang pagbabalik niya sa Twitter ngayong taon, tugon ni Maine, ""Hopefully po. Mahirap po kasing magbitaw ng salita kasi hindi naman sure."

Dagdag pa niya, "Siyempre nami-miss ko na rin yung mga supporters namin ni Alden [Richards], so I want to be back on Twitter din."

Release ng libro

Sinabi rin ni Maine na malapit nang ilabas ang kaniyang kauna-unahang libro na personal niyang isinusulat at naglalaman ng kaniyang mga saloobin at karanasan.

"Parang nasanay na rin ako since I own a blog, I write talaga. Ever since naman, ine-express ko na yung sarili ko thoroughly and shine-share ko yun with the public. Since hindi na rin ako masyadong nakakapag-post sa blog ko, dito ko na binuhos sa book ko," saad niya.

"Released siya sana by the end of October po. Yun po yung target date," ayon pa kay Maine.

Patuloy naman daw ang pag-e-ensayo nina Maine at Alden para sa kanilang upcoming movie.

"Nagte-train kami before. Yes po, Muay Thai, boxing. Nagmi-meeting pa po kasi gusto rin ng management na pagandahan yung pelikula," pagbahagi pa ng TV host-actress. -- FRJ, GMA News