Nakansela ang klase at pinauwi ang mga mag-aaral sa isang paaralan sa Cabanatuan, Nueva Ecija nitong Lunes dahil sa natanggap na pagbabanta ng karahasan nagmula sa mensahe sa social media. Sa Pangasinan, isang estudyante ang isinailalim sa kustodiya ng pulisya matapos na mabuko na siya ang nasa likod ng kumalat na video sa social media na nagbabanta ng karahasan sa kaniyang paaralan.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, sinabing napuno ng mga susundong magulang ang bukana ng Camp Tinio National High School sa Cabantuan matapos pauwiin ang mga estudyante dakong 1:00 pm nitong Lunes dahil sa natanggap na pagbabanta.
Sa imbestigasyon ng Cabanatuan City Police, napag-alaman na isang mag-aaral ang tumawag sa kaniyang guro matapos makatanggap ng mensahe na nagsasaad na mayroon umanong mga estudyante na nasa loob ng eskuwelahan na mamamaril at pananaksak.
Kaagad na pinalabas ang mga nasa loob ng eskuwelahan, at ligtas na nakauwi ang lahat nang walang ano mang nangyaring karahasan.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa insidente para malaman kung sino ang nasa likod ng pananakot.
Nanakot naman sa Pangasinan nabisto
Isinailalim naman sa kustodiya ng pulisya ang isang 15-anyos na estudyante matapos umanong mag-post din ng pagbabanta sa social media para takutin ang mga estudyante sa Rosales National High School sa Pangasinan.
Sa video post na kumalat noong July 18, 2026 na mula umano sa isang armadong grupo, nagbabala ito sa mga estudyante na huwag pumasok dahil sa mangyayaring karahasan.
"Ako ay isang armado na kabilang sa grupo nila. Binabalaan ko lahat ng mga estudyante sa Rosales National High School na kung ayaw ninyong madamay, huwag kayong pumasok," saad ng tao na nasa video.
Nang magsagawa ng imbestigasyon ang mga pulis, natukoy nila ang boses sa video na isa ring estudyante sa paaralan.
Nakuha ng mga pulis mula sa estudyante ang isang pellet gun at baseball bat na ginamit umano sa video ng pagbabanta.
Ayon kay Police Capt. Aileen Catugas, spokesperson ng Pangasinan Police Provincial Office, inamin umano ng estudyante ang video pero wala raw siyang intensiyon na totohanin ang banta.
"Ito ay wala siyang intensiyon kundi ito ay isang katuwaan lamang at nakikiuso lamang sila sa mga nakikita nila o napapanood sa social media," anang opisyal.
Sasailalim sa intervention ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang menor de edad. Gayunman, maaari pa rin siyang makasuhan kung mapapatunayan na may “sufficient discernment” o batid niya ang ginawang kasalanan, ayon sa pulisya.
"Maaari po itong magdulot ng takot at pagkaantala ng operasyon sa school kaya kami ay nagpaalala sa mga magulang na huwag sana nating pabayaan ang ating mga anak... turuan nang maayos ang ating mga anak," saad ng opisyal.
Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang mga magulang ng bata, ayon sa ulat.
Balik na uli sa klase ang naturang paaralan mula nitong Lunes.—FRJ GMA News
