Sa pagharap niya sa Land Transportation Office (LTO), ipinaliwanag ng aktres at dating beauty queen na si Maria Isabel Lopez na naiihi siya at kailangan na niyang magbanyo kaya napilitan siyang pasukin ang ASEAN lanes noong nakaraang Sabado ng gabi.
Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabing kasama ni Isabel na nagtungo sa tanggapan ng LTO ang kaniyang abogado.
Nagtungo ang aktres sa LTO para sagutin ang show cause order ng ahensiya kung bakit hindi dapat sususpindihin o kakanselahin ang kanyang lisensya sa pagmamaneho dahil sa ginawang paglabag sa patakaran na huwag gumamit ng ASEAN lanes sa South bound ng Edsa-Mandaluyong noong Sabado.
Ipinaliwanag ni Isabel na naiihi na siya at matindi ang bigat sa dalay ng trapiko nang sandaling iyon kaya napasok niya ang ASEAN lanes.
Hihintayin daw muna ng LTO na isumite ni Isabel ang written position letter at saka magdedesisyon ang Assistant Secretary Edgar Galvante kung sususpendihin o kakanselahin ang lisensya ng aktres base sa probisyon ng Republic Act 4136 at Section 27 ng Batas Pambansa.
Maari din umanong pagmultahin ng tig-P1,000 si Isabel dahil sa reckless driving at disregarding traffic sign nang magtanggal ng traffic cone sa Edsa .
Maaari umanong pagmultahin ang aktres ng P3,000 dahil sa paglabag sa anti-distracted driving act nang kunan pa ng video at ipost sa social media ang kanyang pagmamaneho sa ASEAN lane.
Umaasa naman ang aktres na ikokonsidera ng LTO ang malinis daw niyang record sa pagmamaneho dahil hindi raw siya lumabag sa anumang traffic rules.
Kasabay nito, nakiusap siya sa mga basher na huwag nang idamay ang kaniyang anak. -- FRJ, GMA News
