Idinaan ng bandang Ben&Ben sa makabagbag-damdaming musika ang panawagan nila ng hustisya para sa pinaslang na mag-inang Sonya at Frank Anthony "Anton" Gregorio.

"Kapangyarihan" ang titulo ng kanta, na may tono ng pang-aabuso ng mga nasa puwesto, ayon sa ulat ng Saksi.

 

ADVERTISEMENT

"Akala niyo ba, ang kapangyarihan ay nasa inyo? Sino ba kayo?" saad sa lyrics ng kanta.

Kasabay nito, nakikiisa rin ang Ben&Ben sa #StopTheKillingsPH, #JusticeForGregorioFamily at #EndPoliceBrutalityNow.

Namatay ang mag-ina nitong Linggo matapos silang barilin nang malapitan ni Police Master Sergeant Jonel Nuezca sa Paniqui, Tarlac. Nakuhanan pa ng video ang pangyayari.

Nagkaalitan ang magkapitbahay dahil sa pagsabog ng isang boga. Naungkat din ang dati nilang away tungkol sa right of way.

Sumuko na si Nuezca at na-indict na sa kasong double murder.

Nagdadalamhati naman ang pamilya Gregorio sa sinapit nina Sonya at Anton.

Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, sisiguruhin ng Department of Justice na makakamit ang hustisya sa kasong ito. —Jamil Santos/KG, GMA News