Inilahad ni Lani Misalucha na bingi na siya sa isang tainga matapos silang magkaroon ng kaniyang asawa ng bacterial meningitis.

"Medyo bingi, hindi pala medyo. Bingi po talaga ang nangyari sa akin, dito sa right side ko, kaming mag-asawa," saad ni Lani sa Christmas Special ng "The Clash" kung saan isa siya sa mga naging judges.

"Meron po kaming vestibular dysfunction kaya po kailangan namin ng alalay lagi," pagpapatuloy ni Lani.

Sa isa namang video, sinabi niya na dulot ito ng Streptococcus suis, na nakukuha mula sa mga kontaminadong baboy o karne ng baboy.

"Ang nangyari kasi sa amin, nagkaroon kami ng bacterial meningitis. It's called a Streptococcus suis, suis meaning swine. Both kaming na-ICU," pagbabahagi ng Asia's Nightingale.

ADVERTISEMENT

Naunang pumasok ang kaniyang asawa sa ICU nitong Oktubre 9 ngunit kinabukasan, hindi na rin daw maganda ang pakiramdam ni Lani.

"Masakit ang buong katawan, parang pounding headache, and then diniretso na rin ako sa ICU ... Meron lang talaga kaming patuloy na nararamdaman which is 'yung dizziness, and pagkahina ng pandinig," kuwento niya.

"Para kang nasa ilalim ng tubig, so muffled talaga saka high-pitched," dagdag ni Lani.

Nasa proseso pa ngayon si Lani ng pagtanggap sa kaniyang naging pagsubok.

"Hindi ko pa rin talaga ma-absorb na ito 'yung nangyari, na parang, 'Paano ito, singer ako? Kailangan ko ng pandinig ko. Parang sinabi ko na lang sa sarili ko, 'Okay, singing may not be for me anymore,'" sabi ng emosyonal na si Lani.

Hindi naman itinanggi ng beteranang singer na nakaramdam din siya ng kawalan ng pag-asa.

"'Yung feeling ko napaka-helpless ako and parang hopeless na rin. Parang wala pa akong makitang answer right now. Actually nagsi-search pa rin ako ngayon. You keep on searching, meron pala Siyang ibang sagot, hindi lang natin nakikita kasi iba 'yung gusto nating sagot na matanggap," sabi ni Lani.

"Sabi ko 'Okay lang,' kung ito 'yung binigay na challenge then I'll take the challenge," pagpapatuloy niya.

Naging emosyonal din si Lani sa muli nilang pagkakasama ng kaniyang The Clash co-judges na sina Ai Ai delas Alas at Christian Bautista.

"Nagpapasalamat ako sa Panginoong Diyos dahil buhay ako, buhay kaming mag-asawa," sabi ni Lani. – Jamil Santos/RC, GMA News