Kahit hindi nakadalo si Ruru Madrid sa GMA Thanksgiving Gala noong Sabado, inihayag ng aktor ang kaniyang pagiging proud kay Bianca Umali, na nagningning ang ganda sa naturang event.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing nakaramdam ng panghihinayang si Ruru na hindi niya nakasama si Bianca sa naturang gala.

ADVERTISEMENT

"Noong nakita ko na rin na naglalakad siya mag-isa, she was so beautiful. For me, mas kailangan niya 'yung spotlight na iyon na mag-isa siya, na wala ako sa tabi niya," sabi ni Ruru na napapabalitang malapit ngayon sa aktres.

Wala mang opisyal na pag-amin ang dalawa sa tunay na namamagitan sa kanila, naging mas bukas na si Ruru na magpahayag ng nararamdaman kay Bianca sa mga post sa social media.

Hindi nakasama si Ruru sa naturang event dahil nasa South Korea siya ngayon at abala sa taping para sa "Running Man Philippines."

Samantala, ramdam pa rin ni Ruru ang patuloy na pagsuporta ng mga manonood para sa pinagbibidahan niyang primetime action series na "Lolong."

May tiyansang manalo ang mga loyal Lolong viewers sa bagong Lolong selfie contest na "Ready, Pangil, Smile." Bisitahin lamang ang Lolong ang opisyal na Facebook page ng Lolong at sundin ang instructions at mechanics para makasali.--Jamil Santos/FRJ, GMA News