Si Bianca Umali naman ngayon ang naging bukas sa pagpapahayag ng damdamin tungkol sa relasyon nila ni Ruru Madrid.

"Siguro ngayon na mas naging open na kami, ang sarap sa puso. Kasi merong mga tao na sumusuporta sa amin, merong mga tao na nagmamahal sa amin, hindi lang bilang indibidwal, pero bilang kami as Ruru and Bianca na magkasama," sabi ni Bianca sa pagbisita niya sa "The Boobay and Tekla Show."

"So ang sarap kasi ang dami rin naming nagiging mga kaibigan, ang dami rin naming nakikita na mga taong... ay, pamilya pala natin sila kasi ganito nila tayo mahalin bilang tayong dalawa. So thank you very much po," dagdag ng Kapuso actress.

Bago nito, nauna nang naging panauhin si Ruru sa programa, kung saan sinabi ng binata na ipinagdadasal niyang si Bianca na nasa ang babaeng nakatakda para sa kaniya.

ADVERTISEMENT

Hiling din ni Ruru na malagpasan nila ang marami pang pagsubok na kanilang madaraanan.

"Very flattering na marinig at makita na sinabi niya 'yon on air sa inyong lahat. Ang sarap sa puso kasi, alam ni Ru kung gaano ako ka-private na tao eh and hindi talaga ako katulad niya na ikukuwento ko ang lahat sa lahat," ani Bianca.

"Pero, siguro kasi pagdating din sa aming dalawa, talagang sobrang lumalambot din 'yung puso ko. Na the fact na ganoon siya ka-proud, it only shows me all the more that I am also the luckiest to have him with me as well," patuloy ng dalaga.

May sweet na mensahe rin si Ruru, at inihayag ng aktor na si Bianca ang nagsisilbi niyang inspirasyon at nagpapaalala sa kaniya na mayroon siyang halaga.

Ang matamis na tugon naman ni Bianca sa sinabi ni Ruru.

"Thank you, kasi alam mo kung gaano ka kaimportante sa buhay ko. Maraming panahon na pakiramdam ko mag-isa lang ako pero 'yung kamay mo 'yung nandiyan para meron akong mahawakan at makapitan," sabi ni Bianca.

"Sa sinabi mo na hindi mo man masusuklian ang lahat, hindi ko hinihingi ang masuklian. Ang sa akin lang ay 'yung diyan ka lang sa tabi ko, huwag kang mawawala sa akin, kasi hindi ko kaya. And hindi ako mapapagod na yakapin at hawakan din ang kamay mo sa lahat ng pagkakataon na kailangan mo ako," patuloy ng aktres.

--FRJ, GMA Integrated News