Para kina Chariz Solomon at Valeen Montenegro, hindi na raw dapat patulan pa ang mga basher. Pero aminado rin ang dalawa na may puwedeng magtulak sa kanila para hindi makapagpigil.

Sa online talkshow na "Just In" ni Paolo Contis, sumalang sina Chariz at Valeen sa segment na "Spit or Swallow?" Dito, tatanungin ang dalawa kung hindi sila pabor (spit) sa isyu, o okey lang sa kanila (swallow).

"Mga artistang pumapatol sa basher?" tanong ni Paolo.

Parehong "spit" ang sagot ng Bubble Gang babes, at sinabing hindi na dapat patulan ang mga basher.

"Hindi na kailangan," ani Valeen, na dinugtungan ni Chariz na, "Pinapahaba lang."

Ayon pa kay Valeen, parang ipinapakita ng artista na naapektuhan siya sasinabi ng basher kapag pinatulan o sinagot pa ito.

ADVERTISEMENT

Kasunod nito ay tinanong ni Paolo ang dalawa kung ano ang bagay na magtutulak sa kanila para patulan ang basher.

Sandaling napaisip si Valeen at napatawa nang aminin niya na, "Actually madami rin."

Pero maaari umanong pumatol siya sa basher kapag masama ang kaniyang gising at may personal na atake sa kaniya na bang "close" sila.

Ginawa niyang halimbawa ang mga puna sa kawalan niya ng malusog na dibdib.

"Ano ba 'yan nakatalikod, ano ba 'yan walang boobs," ani Valeen. "Wow, close tayo?"

Paliwanag ng aktres, na sinabing tanggap na niya ang kawalan niya ng dibdib at naging imahe na rin naman niya sa pagpapatawa.

Samantala, si Chariz, sinabing papatol siya sa basher kapag anak niya ang isinangkot.

Inayunan din ito ni Paolo at sinabing ok lang na siya ang tirahin pero huwag ang bata.

Ayon kay Chariz, may basher siya noon na pinatulan pero hindi niya ito sinagot sa pamamagitan ng post o komento.

Sa halip, sinabi ng komedyante na pinadalhan niya ng mensahe sa account ang basher at binalaan na puwede niya itong kasuhan.

Dahil may anak din umano ang basher, pinayuhan din daw ni Chariz ang basher na umayos para umayos din ang anak nito paglaki.

Samantala, ano naman kaya ang masasabi nina Chariz at Valeen sa mga "online comedianne" na nagiging kahati ng ilang celebrity sa "raket." Alamin sa video kung "spit" o swallow" ang kanilang sagot.--FRJ, GMA Integrated News