Bago lumabas ng bahay ni Kuya si Bianca Umali bilang celebrity house guest sa "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition," isang munting regalo ang kaniyang natanggap para sa namayapa niyang ina na si Mommy May.

Sa episode nitong Huwebes, nagpunta si Bianca sa confession room bago siya bumalik sa outside world upang kausapin at pasalamatan ni Kuya sa kaniyang pagbisita sa PBB.

Nagpasalamat din si Bianca kay Kuya sa ibinigay sa kaniyang pagkakataon na matupad ang pangarap ng kaniyang ina.

"Baon ko po itong kuwento na ito para sa lola ko, para sa magiging mga anak ko, half of my heart want to stay and half of my heart says I have to leave. Sana po nakapag-iwan po ako ng magandang memories sa loob po ng inyong bubong at sa puso po ng inyong mga housemate," sabi ni Kapuso actress.

Muli ring inilabas ni Bianca ang larawan ng kaniyang ina na una niyang ipinakita nang pumasok siya sa bahay ni Kuya.

Nauna nang sinabi ni Bianca na ginawa niya ang pagpasok sa bahay ni Kuya para sa kaniyang ina na nanood ng programa noong nabubuhay pa ito.

"Maraming salamat din daw po kuya, natupad niyo ang pangarap niya. Baon ko po ito hanggang sa tumanda po ako kuya," dagdag ni Bianca.

Bago umalis, may ipinaabot na regalo si Kuya kay Bianca para sa kaniyang ina na nakalagay sa maliit na kahon.

Nang buksan ni Bianca ang kahon at makita ang laman nito, naiyak ang aktres dahil name plate ito na ibinibigay sa mga housemate na may pangalan ng kaniyang ina na si May.

"Kuya salamat po," umiiyak na pahayag ni Bianca. "Sigurado po sumasayaw po siya ngayon sa theme song na 'Pinoy Ako' doon po sa langit."

"Mommy, may name plate ka na, housemate ka," sabi ni Bianca sa kaniyang ina.

Marami ang humanga kay Bianca sa ilang araw na pananatili niya sa bahay ni Kuya dahil sa kontribusyon niya sa mga housemate sa pagsasagawa ng challenges.

Kinabiliban din ng mga manonood ang ginawa niyang paglilinis sa kuwarto ng mga housemate at sa kusina. Maging ang nobyo niyang si Ruru Madrid, nasambit sa isang post na, "asawa material" ang si Bianca.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, inilarawan ni Bianca ang pananatili niya sa bahay ni Kuya na magical.

"Hindi ko akalain na magiging gano'n kaganda 'yung pinagdaanan ko doon, 'yung adventure ko doon. And I was so happy all the more na I was able to do it for my mom," ani Bianca.

"Marami pa kayong mapapanood. Ayoko i-spoil because the netizens will see it pero ito sa dream come true, not just for myself, but for my mom," dagdag niya.

Sabi pa ni Bianca, "Sabi ko kay Kuya, 'Kuya, kung kailangan mo pa ng tagalinis ulit, tawagan mo lang ako. I will be at your doorstep.'"

Nakatakdang mapanood si Bianca sa "Sang'gre," na ipalalabas sa GMA Prime simula sa June 16.

Napapanood ang "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition" sa GMA Network tuwing weekdays sa ganap na 10:05 p.m. at sa weekends sa ganap na 6:15 p.m. --FRJ, GMA Integrated News