Nakatuon ang atensiyon ni Barbie Forteza sa kaniyang trabaho na busy sa kaniyang upcoming series na “Beauty Empire,” at pagiging ambassador ng isang non-government organization. Kumusta naman kaya ang kaniyang lovelife?
“Hindi naman ako strict about it. Kung may magpaparamdam, wala namang problema. Pero sa ngayon, multo pa lang ‘yung nagpaparamdam kasi sa akin,” natatawang sabi ni Barbie sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa 24 Oras nitong Martes.
Nitong nakaraang Enero nang ihayag nina Barbie at Jak Roberto na hiwalay na sila matapos ang pitong taon na relasyon.
Bukod sa showbiz project, hindi rin nag-alinlangan si Barbie na tanggapin ang alok na maging ambasador siya ng Save the Children Philippines.
Naglaan ang aktres ng oras para sa pictorial at video shoot sa kaniyang adbokasiya na para sa mga bata.
“I am blessed with this kind of profession and platform bilang aktor at bilang artista to influence and inspire other people to raise awareness and to join Save the Children Philippines because together we will be able to provide the proper education, safe environment, livelihood, proper guidance for our future leaders and game changers,” sabi niya.
Ikinatuwa ni Barbie na kasama niya sa adbokasiya ang other half ng “BarDa” na si David Licauco.
“Parehas kaming, lalo na siya. I mean, ‘yung kaniyang mindset towards leadership, iba rin talaga eh. So feeling ko parehas lang din kami ng goal at mindset when it comes to giving the children the improved environment and education and knowledge towards everything, about everything in life talaga,” dagdag ni Barbie.
Malapit nang ipalabas ang “Beauty Empire,” kung saan makakasama niya sina Kyline Alcantara, Ruffa Gutierrez, at Sam Concepcion. Handog itong GMA Network, Creation Studios, at Viu Philippines.
“Sobrang saya, challenging kasi we're pushing towards our airing date. Pero masaya kasi nakikita ko na lahat talaga kami very efficient and especially working again with my good friend, Direk Mark dela Cruz,” kuwento niya.
Inihayag din ni Barbie ang kaniyang papuri kina Ruffa at Kyline.
“Napakabait, napaka-down to earth ng isang Miss Ruffa Gutierrez. Ang hindi ko kinagulat, siyempre, ang husay sa pag-arte ng Kyline Alcantara. Hindi ko na ikinagulat ‘yun. Alam ko na ‘yun. Pero ngayon, masasabi ko na mas naging close talaga kami ni Kyline at mas naging maganda ang aming pagkakaibigan dahil dito sa show na ito,” sabi ni Barbie. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News
