Nagbabala si Michael V sa publiko laban sa deepfake matapos siyang mabiktima nito. Pinabulaanan din ng aktor na iniendorso niya ang produktong binabanggit sa mapanlinlang na advertisement. Kumusta na nga ba ang laban ng gobyerno tungkol sa usapin ng deepfake? Alamin.
“Siyempre, na-alarm kaagad ako. Tsaka alam ko kasi maraming mga netizens, maraming mga mahilig sa social media na baka maapektuhan in a negative way, baka maniwala,” sabi ni Michael sa panayam sa kaniya ni Raffy Tima sa Unang Balita nitong Biyernes.
Dahil dito, agad gumawa ng vlog ang comedy genius upang pasinungalingan ang kumakalat na video.
Ini-report na rin ni Michael ang nag-post at nag-block nito sa kaniyang social media pages.
“Titingnan natin kung ano ang gagawin niya kasi pagka persistent siya, pagka gumawa pa siya ng aksyon at inulit niya, mukhang gagawan na namin ng legal action,” anang Kapuso comedy genius.
Sa deepfake, pinag-aaralan ng Artificial Intelligence ang hitsura at tono ng pagsasalita ng isang tao upang magaya ito nang tila totoo.
Sinabi ng isang technologist na mas nagiging mahirap nang matukoy ang deepfake sa totoong video.
Kaya dapat lagi umanong tamang duda ang social media users.
Mas mabutii pa ring pag-aralan ang mensahe ng video, at itanong kung tugma ito sa personalidad ng nagsasalita.
At kung personalidad ang nasa video, suriin din kung makikita sa ibang platforms tulad ng telebisyon at radyo ang kaparehong endorsement.
“Kunwari nanonood ka lang, nagba-browse ka tapos tinitingnan mo, kung hindi mo naman in-expect na deepfake siya, hindi mo agad susuriin 'yung isang video. Kaya mahirap malaman kung siya ba talaga ay deepfake video or hindi. Ngayon, kung tingnan mo, ay parang may kakaiba,” sabi ni Roberto Tayag, CEO ng Asia Pacific CyberQ Group.
Ilan pa sa mga nabiktima ng deepfake sina 24 Oras anchors Mel Tiangco at Vicky Morales, at ginawang nag-eendorso sila ng mga investment, kasama ang ilang malalaking pangalan sa pagnenegosyo.
Ginawan din ng deepfake ang Kapuso anchor at reporter na si Mariz Umali at pinagmukhang may ibinabalita ukol sa isang produkto.
Nagsampa na ng reklamo sa NBI ang doktor na ginamit sa deepfake video, laban sa mga nagpapakalat nito sa social media.
“‘Yung mga pasyente ko mismo naapektuhan din dahil ang feeling nila ‘yung credibility ko is puro nagbebenta lang ako ng kung ano-ano. So naapektuhan 'yung reputation ko as a doctor. Natatakot ako na baka ‘pag may nangyari sa kanila, eh akong mabuntungan nila,” sabi ni Dr. Gary Sy, doktor na ginamit sa fake video.
May ginagawa na ang Department of Information and Technology upang labanan ang pagkalat ng deepfake.
Dulot ng mga pekeng endorsement, marami na ang nagrereklamo sa kanila na napaniwala at naloko na mga pekeng endorsement.
Maliban sa mga telco, tuloy-tuloy umano ang pakikipag-usap ng pamahalaan sa social media platforms para agad ma-block ang mga pekeng endorsement na ito.
“Ang tawag po roon sa mekanismo na iyon, geo-blocking, geo-locking. 'Yung same mekanism po ng technology na iyon, ‘yun 'yung sinasabi ko sa mga streaming platform at sa mga social media platform. Alam niyo, kaya niyo namang i-prevent ‘yan proactively,” sabi ni Secretary Henry Aguda ng DICT.
Hindi malayong dumating ang panahon na mga eksperto na lang ang makapagsasabi kung peke o hindi ang isang video o litrato sa bilis ng pag-usad ng teknolohiya, ayon sa ulat.
Kaya mahalagang suriin at pag-aralan ang mensaheng nakapaloob dito, at huwag agad maniwala at ugaling i-double check kung totoo o hindi ang nakikita sa social media.-- FRJ, GMA Integrated News
