Pumutok at lumiyab imbes na kumutitap ang ilang Christmas lights sa munisipyo ng Subic, Zambales.

Base sa ulat ng GMA Regional TV na inilabas sa Unang Balita nitong Biyernes, inilahad ng ilang saksi na nagkaroon muna ng spark bago nagliyab ang mga linya ng pailaw.

Agad namang naapula ang apoy.

Sinabi ng Bureau of Fire Protection na may nag-loose na koneksiyon ng wires sa breaker na mitsa ng spark at nasunog.

Madalas na mitsa ng pagkasunog ng Christmas decor ang Christmas lights.

Nagpaalala ang Department of Trade and Industry at BFP na tiyaking lehitimo ang kalidad ng mga bibilhing ilaw pampasko, lalo na kung de-kuryente.

Siguruhing mayroon itong Philippine Standards Mark (PS) at ICC Mark.

“Huwag magtipid sa Christmas lights. Para sigurado lang na ligtas ang lahat at hindi pa tayo makadamay sa ibang pamahayan,” sabi ni Fire Superintendent Jude Delos Reyes, spokesperson ng BFP - NCR.

Dapat ding maingat lalo kapag luma na ang mga ilaw.

“Kung nabili ‘yan last year pa, not everyone has a good storage. ‘Yung iba ang napapansin namin, for example, marami na siyang mga cobwebs, marami ng mga dust, and these are very combustible. Gusto ko na masigurado ko na safe ang members ng aking pamilya, then I will not be using it anymore,” sabi ni Delos Reyes.

Ayon sa BFP, dapat hindi babad sa paggamit ang Christmas lights at huwag hayaang nakasindi kapag matutulog na.

“Kung binabad na na kasi natin ‘yon and sumobra na sila sa ilang operating capacity, the tendency is umiinit din ‘yung wire kasi that is a live current. Kung hindi natin pagpapahingahin ‘yun, it will come into a moment where nagkakaroon siya ng overheating. So mas maganda talaga kung bigyan ng breather. Now, for example, four hours, pagpahingahin ng one hour or two hours,” dagdag ni Delos Reyes.

Ugaliin ding hugutin ang Christmas lights mula sa saksakan sa tuwing aalis ng bahay.

“Maaring hindi natin alam kung ano ang nangyayari sa loob ng bahay. Lalong lalo na ‘pag may mga pests or certain animals staying around, minsan ito ay napaglaruan, kinakagat, and marami mag-cause rin nito ng sunog,” sabi ni Delos Reyes.

Kung maulanan naman, maiging obserbahan ang Christmas lights kung magkakaproblema kahit na “all weather” o puwede sa ulan ang deskripsyon nito.

Nanawagan din ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ngayong Pasko na ipakita ang pagmamahal hindi lang sa kapwa, kundi pati sa kalikasan.

Iwasang lagyan o balutin ang Christmas lights sa mga puno na posibleng makasakal sa mga ito.

Maaari umanong magdulot ng impeksyon na baka ikamatay ng puno ang mga kable at plastic na bahagi ng mga dekorasyon.

Maaari ring makaistorbo ang liwanag sa mga ibon, insekto, at iba pang hayop na naninirahan sa puno. — Jamil Santos/RSJ GMA Integrated News