Nagbigay ng kaniyang reaksyon si Sparkle Teen Charlie Fleming sa ilang nagkukumpara sa kaniya sa Big Winner ng nakaraang season ng “Pinoy Big Brother” na si Fyang Smith. May komento rin sila ng ka-duo niyang si Esnyr tungkol sa anong batch ng housemates ang mahusay.
“Actually po, nagugulat po talaga ako, natatakot po talaga ako because I really don't want to be compared to other artists, especially po in a derogatory way,” sabi ni Charlie sa guesting nila ng kaniyang ka-duo na si Esnyr sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles.
Hinangaan si Charlie dahil sa kaniyang talino at maturity na ipinakita noong nasa Loob ng Bahay ni Kuya sa katatapos lang na “Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition.”
“‘Yung wisdom po and being mature, it comes from experience, it comes from understanding po. Hindi po talaga sinasadya. I have no total control. And I haven't spoke up about it because it's definitely not something that I want to put myself in.”
Ayon kay Charlie, nagkita na sila at nagkabatian ni Fyang.
“We've met once only. I've said ‘Hello,’ I've introduced myself but we don't actually follow each other,” saad ni Charlie.
Sa isyu ng batch ng housemates
Samantala, ibinigay nina Charlie at Esnyr ang kanilang reaksyon sa pahayag ni Fyang na walang makakatalo sa batch nila sa PBB housemates.
“Hindi naman po ito competition,” komento ni Esnyr. “Pero feeling ko, Tito Boy, ‘yung iba't ibang season, may iba't ibang taste. At sa amin po, we can say na unique din po talaga ‘yung season namin at tinangkilik po talaga naman ng mga tao.”
“Our seasons are different. This is the first GMA and ABS collab. So it's completely different from what batch they have,” pagsegundo naman ni Charlie.
Dagdag ni Esynr, “Iba-iba kami ng amats. At I love their season too.”
Matatandaang sa pagpili ng kanilang mga final duo, sina Esnyr at Charlie ang mga natira at naging magka-final duo by default.
Masaya at nagpapasalamat sina Charlie at Esnyr, na kilala sa duo nilang “CharEs”, na kahit hindi nila nasungkit ang Big Winner spot at naging third placer sa katatapos na "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition."
Muling magsasama-sama ang 20 housemates sa "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition" sa isang event na tinawag na "The Big ColLOVE" fancon sa August 10, sa ganap na 8 p.m., sa Smart Araneta Coliseum.
Magkakaroon din ng season 2 ang "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition." – FRJ, GMA Integrated News

