Nagpalabas ng warrant of arrest ang Quezon City Regional Trial Court laban kay Cristy Fermin at sa dalawa pang entertainment personalities kaugnay sa kasong libelo na inihain ni Bea Alonzo.

Sa ulat ni Glen Juego sa Super Radyo DZBB nitong Miyerkoles, nakita ni Presiding Judge Cherry Chiara Hernando na may sapat na basehan para dinggin ang kaso laban kina Fermin at ang kaniyang mga co-host na sina Rommel Villamor at Wendell Alvarez.

Nagtakda ng ?48,000 na piyansa sa bawat isa para sa kaso na nag-ugat sa umano’y mapanirang pahayag laban kay Alonzo.

Sa isang text message na ipinadala sa GMA News Online, sinabi ni Fermin na inaasikaso na nila ang isyu.

"Inaasikaso na namin. Naku, ganun talaga! Kakambal ng trabaho natin ang ganitong kaso. Ilalaban natin ito," saad niya.

Mayo 2024 nang magsampa ng reklamong cyber libel si Alonzo laban kina Fermin, Ogie Diaz, at kanilang mga co-host sa kani-kanilang mga programa.

Nakasaad sa reklamo ni Alonzo na naging biktima siya ng mali, malisyoso, at nakasisirang impormasyon mula sa isang nagpapanggap na malapit sa kaniya, na ipinalabas at tinalakay umano sa mga online show nina Diaz at Fermin nang walang batayan.

Nakipag-ugnayan na rin ang GMA News Online kay Alonzo para sa kaniyang komento kaugnay sa pag-usad ng kaniyang reklamo. — mula sa Carby Rose Basina/FRJ GMA Integrated News