Naglagak ng piyansa sina Cristy Fermin at mga kapuwa niya akusado matapos maglabas ng warrant of arrest ang korte laban sa kanila, kaugnay ng cyber libel case na isinampa ng aktres na si Bea Alonzo.
Sa ulat ng GTV News "Balitanghali" ngayong Biyernes, sinabing pinayagan ng Quezon City Regional Trial Court Branch 93 sina Cristy at Wendell Alvarez na magpiyansa, habang inaasikaso pa ang piyansa ni Rommel Villamor.
Ayon sa veteran showbiz columnist na si Cristy, inilabas ang warrant noong July 21, pero natanggap lang nila noong July 30.
Nakahanda raw siyang sumuko kung nalaman nila kaagad ang tungkol dito, at kung walang pagkakaantala sa paglabas ng dokumento ng korte.
Sinabi naman ni Atty. Ferdinand Topacio, abogado nina Cristy at mga kapuwa akusado nito, na naghahanda na sila ng kanilang depensa.
Nagkakahalaga ng P48,000 ang bawat piyansa nina Cristy, Villamor, at Alvarez, kaugnay ng reklamo ni Bea tungkol sa umano’y mali, malisyoso, at nakasisirang impormasyon mula sa isang nagpapanggap na malapit sa kaniya, na ipinalabas at tinalakay umano sa mga online show ni Cristy, mga co-host na sina Villamor at Alvarez.
Sa naunang ulat ni Aubrey Carampel, sinabi ni Atty. Joey Garcia, abogado ni Bea, na ang arrest warrant ay patunay na tama ang ginawa ng kaniyang kliyente sa pagsasampa ng reklamo.
“We have always stood firm in the merits of our client’s case. This development vindicates her position and affirms her right to seek redress,” saad ni Garcia sa pahayag.
"This is not only an initial legal victory for Ms. Alonzo but a statement of principle, free speech does not mean freedom to defame. The law draws a clear line and that line has been crossed," dagdag niya.
May 2024 nang isampa ni Bea ang cyber libel complaint laban kina Cristy at Ogie Diaz, at sa mga co-hosts sa kani-kanilang programa.
Sa isang text message nitong Huwebes nang hingan ng pahayag si Cristy tungkol sa arrest warrant, sinabi niya na, "Inaasikaso na namin. Naku, ganun talaga! Kakambal ng trabaho natin ang ganitong kaso. Ilalaban natin ito." saad niya.— mula sa ulat nina Carby/Rose Basina/Joahna Lei Casilao/FRJ GMA Integrated News
