Hindi pinalampas ng King of Talk na si Boy Abunda na alamin ang update sa pagsasama ng bagong mag-asawa na sina EA Guzman at Shaira Diaz anim na araw matapos ang kanilang kasal. Naging “masaya” na kaya si EA makaraang sabihin ng aktor sa isang panayam na tinulugan siya ni Shaira sa unang gabi ng kanilang pagsasama bilang mag-asawa.

Sa kanilang guesting sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles, binalikan ni Tito Boy ang sinabi ni EA na tinulugan lamang siya ni Shaira sa kanilang unang gabi matapos ang kanilang kasal. Sa kabila ito ng inihayag ng aktres sa kanilang wedding vows na magiging “masaya” na ang aktor ngayong kasal na sila.

Matatandaan na nagkasundo ang magkasintahan na hindi nila gagawin ang ginagawa ng mag-asawa hangga’t hindi pa sila kasal.

“‘Yun po ay totoo, Tito Boy. Tinulugan niya [ako] sa pagod. Ako naman naiintindihan ko. Talagang mas maaga kasi siyang nagising sa akin. Mas maaga siya nag-prepare sa akin. Tapos, after noon, nasa kuwarto na kami, sa hotel na kami, nagbilang na lang din kami,” sabi ni EA sa TV host.

“Pero kasi Tito Boy, sabi ko nga sa kaniya, ‘Bach, ang pangit naman na parang nakaganiyan (pagod ang hitsura) na lang ako. Ayoko naman, gusto ko ma-enjoy,” ayon naman kay Shaira.

Matapos nito, diretsahang humingi ng update si Tito Boy ngayong anim na araw na silang nagsasama bilang mag-asawa.

Ang dalawa, sandaling ngumiti bago nakapagbigay ng sagot.

“Two thumbs up!” natatawang sigaw ni EA.

Sa kabila nito, sinabi nina EA at Shaira na hindi pa nila plano agad na magsimula ng sarili nilang pamilya.

“Hindi po, i-enjoy po muna namin, Tito Boy,” sagot ni EA tungkol sa pagkakaroon na ng anak.

“Gusto rin pong ma-enjoy ‘yung ano po eh…” tugon naman ni Shaira, na muling natawa. “Ma-enjoy 'yung company naming dalawa as a married couple now.”

Plano raw nina EA at Shaira na mag-honeymoon sa Switzerland, na pareho nilang hindi pa nararating, lalo ang Swiss Alps.


Sabi ni EA, “Perfect kay Shai, mahilig siya sa mga scenery na puno, bundok.”

Dagdag ng showbiz couple, paghahandaan pa rin nila ang kanilang kinabukasan.

“Siyempre kailangan naming paghandaan na ang baby. Mahal na ang magpaaral ngayon, magpalaki ng bata. So ayaw namin na mahirapan. Kailangan prepared po kami,” ani Shaira.

Una rito, hinangaan ni EA ang desisyon nila ni Shaira na ‘magtimpi,’ at sinabing ang pag-ibig ay nakabatay sa disiplina, paggalang, at pangako.

Inilarawan naman ni Shaira si EA bilang kaniyang safe place. At higit sa ginhawa na ibinigay nito, pinasalamatan ni Shaira ang kaniyang mister sa pagrespeto nito sa kaniya.

Ikinasal sina Shaira at EA sa isang simbahan sa Silang, Cavite.—FRJ GMA Integrated News